National News
P40-P42/kg na bigas sa merkado, target mapababa ng DA
Pangunahing problema pa rin ng bansa ang pagtugon sa mataas ng presyo ng mga bilihin partikular na ang pagkain.
Katulad na lamang ng bentahan ng bigas na sa kabila ng ginawang hakbang ng pamahalaan ay hindi pa rin gaanong bumababa ang presyo nito sa pamilihan.
Ayon sa Department of Agriculture (DA) malaking bagay ang bentahan ng murang bigas.
Patunay daw diyan ang tuloy-tuloy na bentahan nila ng P29 na kada kilo ng bigas sa mga Kadiwa Center.
Noong nakaraang linggo lang din ay nagsimula na rin ang DA sa pagbebenta ng P43/kg na bigas sa ilalim ng Rice for All program.
Ito raw ay 2 pisong mas mura kumpara sa dating presyo ng programa.
Pero, hindi lahat ng lugar sa bansa ay may Kadiwa Center kaya kung pagbabasehan ang presyo ng bigas sa merkado ay nananatili pa rin itong mataas.
Sa price monitoring ng ahensya, naglalaro pa rin sa P44 hanggang P65 kada kilo ang lokal na bigas.
Sinabi ni DA Undersecretary Roger Navarro na nagsimula nang mag-ani ng palay ang mga bansang pangunahing inaangkatan ng Pilipinas ng bigas.
“Ngayon, nagha-harvest na actually nagha-harvest na din ‘yung ibang bansa for example in Vietnam, in India there are already starting a new crop.
So, babagsak ‘yung presyo international price so dapat babagsak din sa atin.”
Ang problema nga raw ay bakit hindi pa rin bumababa ang presyo ng bigas sa bansa sa kabila nang pagbaba sa presyo nito sa pandaigdigang merkado.
“Ang problema sa atin ay babagsak ang presyo sa international price tapos sa atin ay mataas pa rin ‘yung presyo sa merkado. So, ibig sabihin ay something is wrong.”
Ang pagbebenta raw ng bigas sa mga Kadiwa center ay isa sa mga paraan para may opsyon ang mga mamimili na makabili ng murang bigas.
Ani Navarro, “So, kailangan ang Kadiwa will intervene para ma-stabilize at equalize ‘yung prices natin to P40 to P42.”
Sa ngayon, nasa 500 na Kadiwa Store ang binuksan ng Agriculture Department sa ibat ibang bahahi ng bansa.
Nasa 40 na rito ay nagbebenta ng tig-P29 at tig-P43 na bigas.
Target pa ng ahensya na pataasin sa 1,500 ang mga Kadiwa store upang mas marami pa raw’ng mga Pilipino ang magkaroon ng access sa mas murang bilihin.
