Metro News
Pag-restore sa sales road sa Pasay, tinatayang tatagal ng 2 araw bago muling madaanan – MMDA
Naalis na ang tubig sa sinkhole sa Sales Road Villamor Gate 3 East Bound sa Pasay City.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), napalitan na rin ang nasirang tubo ng Maynilad na pinaniniwalang pinanggalingan ng tumagas na tubig na naging sanhi ng sinkhole.
Sinabi ni MMDA Acting Chairman Atty. Romando Artes, na patuloy na ina-assess ‘yung lawak ng pinsala ng sinkhole at ang mga hakbang para kumpunihin ito lalo na at may mga poste ng Skyway malapit sa nasabing butas.
“Nagmemeeting naman po ang DPWH, Maynilad at ‘yung pong ating operator ng Skyway kasi may mga poste sila. Although wala naman daw effect doon. Pero pinag-uusapan po nila kung papaano irerestore ‘yung pong kalsada,” ayon kay MMDA, Chairman, Atty. Romando Artes.
Ayon kay Artes, inaasahan na ngayong Martes, Abril 16, ay uumpisahan na ang pagrerestore o pagbabalik sa ayos ng nasabing kalsada.
Pero kailan kayo ito madadaanan ulit?
“Siguro po a few days pa kasi syempre po tatambakan pa po most likely iyan tapos lalatagan o bubuhusan ng semento. Ang semento naman po normally one full day natutuyo at nadadaanan. Kaya po ang tingin ko mga two days pa po siguro ito bago completely madaanan,” saad pa nito.
Samantala, pinawi naman ng opisyal ang pangamba ng publiko na baka masundan pa ang nasabing sinkhole.
“Hindi po siya natural cause meaning hindi po siya bumubukal na tubig. Kundi galing po mismo sa tubo na it appears po na mayroon daw pong naghukay doon na isang contractor. It appears na tinamaan habang naghuhukay ‘yung contractor na ‘yun.”
“Hindi naman po nakakatakot na may iba pang mga lugar na puwedeng maulit itong pangyayari. So as long as matabunan naman po iyan, rest assured na wala ng similar sinkhole na lalabas diyan,” ani Artes.
Abiso naman ng MMDA sa mga motorista na pansamantalang dumaan sa mga alternatibong ruta upang hindi maabala tulad ng sa Skyway at sa service road.