National News
Pag-‘single out’ sa mga Chinese na papasok sa Pilipinas, inirereklamo ng isang civic leader
May komento ngayon ang isang civic leader kaugnay ng paghihigpit sa visa requirements ng mga papasok na Chinese sa bansa.
“Hindi ko rin maintindihan, ‘yung kanang kamay natin we want to welcome tourist pero ‘yung kaliwang kamay natin tinutulak natin silang paalis,” ayon kay Teresita Ang-See, Civic Leader, Presidente ng Kaisa para sa Kaunlaran.
‘Yan ang reaksyon ng civic leader na si Teresita Ang-See sa hakbang ngayon ng Marcos Jr. administration na higpitan ang visa requirements ng mga Chinese na papasok sa bansa.
Rason dito ng Bureau of Immigration (BI), kailangan ito para ma-monitor ang iligal na aktibidad na kinasasangkutan ng mga Chinese.
Kaya naman magdaragdag sila ng bagong security layer para masala ang mga papasok sa Pilipinas.
Ngunit, para kay Ang-See na tanyag sa Filipino-Chinese community, dagdag problema ang hakbang ng gobyerno.
“Why? Parang bakit mo daragdagan ng ganiyan eh kung masamang tao ang pupunta dito kayang-kaya nilang bayaran ‘yan. If money is your problem, kayang-kaya bayaran ng mga sindikato even na e-impose mo ng mga ganoong klaseng requirements,” dagdag pa nito.
Diin pa ni Ang-See, matagal nang mahigpit ang visa requirements papasok sa Pilipinas.
Sa tingin nito, hindi mapipigilan ang lahat ng masamang loob na pumasok sa bansa kahit pa maghigpit ang Immigration.
Kaya pati mga lehitimong turista at may business transactions sa bansa ay damay.
“I would believe na karamihan sa mga Chinese na ‘yan na naga-apply ay people who really wanted to come here. Kaya ibalik nalang nila? Like ‘yung tour group. Or tour agency, papasok ka ng mga bisita dito, pagkulang ang lumabas saka ipi-penalize mo ang tour agency ‘yung travel agency. Meron naman measure to put in place na ‘yung masasamang element hindi makapasok. Pero ang nangyayari kasi, ‘yung masamang element, sila ‘yung may pera, sila ‘yung mayang mag-backdoor kaya sila ‘yung nakakapasok,” ani Ang-See.
Nanawagan naman si Ang-See sa gobyerno na kung tunay ang intension, na pigilan ang pagpasok ng mga Chinese na may kaso, ay patawan na ng permanent ban ang Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa bansa.
“Gusto naming mangyari na matagal na… na sana isara nalang ‘yang mga POGO business kasi ‘yan ‘yung nagiging salot kasi ‘yan ‘yung nagiging dahilan nga mga problema naming ito,” aniya.
Karamihan sa mga Pilipino ay hindi pabor na payagan pa ang mga POGO na manatili at mag-operate sa bansa.
Sa December 2023 survey ng Pulse Asia, na may 1,200 respondents, 85% ng mga na-survey ay hindi pabor sa POGO operations sa bansa.
Nasasangkot sa iba’t ibang isyu ang POGO operations tulad ng pagpatay, kidnapping, human trafficking, crypto scam, money laundering, prostitution at illegal detention.
Pero bakit nga ba hindi mahinto-hinto ang POGO operations?
“Eh matagal na naming panawagan ‘yan. Isara ‘yang mga POGO dahil salot ‘yan. But salita lang tayo, both Congress and Senate may mga POGO businesses ang people on top sa ating legislature na dapat sila ang gagawa ng batas para malimitahan ‘yan,” pahayag pa ni Ang-See.