National News
Pagbagsak ng presyo ng palay, pinuna ng mga magsasaka– FFF
Idinaraing ng mga magsasaka ang pagbagsak sa presyo ngayon ng aning palay.
Sinabi ni Federation of Free Farmers (FFF) National President Leonardo Montemayor na isa ring dating kalihim ng Department of Agriculture (DA), dahil ito sa sunod-sunod na pag-uulan na nakaapekto sa sektor.
Naglalaro na sa P15-P18 ang bili ng traders sa kada kilo ng sariwang palay partikular na sa Nueva Ecija at Occidental Mindoro na pangunahing pinagkukunan ng lokal na suplay ng bigas sa bansa.
Habang P22-P28 naman ang bilihan ng palay kada kilo sa Sultan Kudarat at Northern Cotabato.
Malaking epekto rin sa pagbagsak ng presyo ng palay ang pagbaha ng imported na bigas sa mga merkado.
Ito ay matapos ipatupad ng Marcos administration ang mababang taripa sa mga inaangkat na produkto gaya ng bigas.
Sa panig ng National Food Authority (NFA), aminado silang may pagkukulang ng drying facilities dahilan para bumaba rin ang presyo ng palay ng mga magsasaka.
Napipilitan anilang ibenta ng mga magsasaka sa mga trader ang kanilang aning palay dahil sa requirements na hinihingi ng ahensya na 40% moisture content.
Sa kabila nito ay makakaasa umano ang mga lokal na magsasaka na tuloy-tuloy ang pamimili nila ng palay sa kanila.
May P11B pa anila silang pondo para bumili ng 7.3M bags ng palay na gagamitin bilang buffer stocks sa panahon ng kalamidad.
Samantala, apela ngayon ng FFF sa gobyerno ang ibalik sa dating 35% ang kasalukuyang 15% na taripa sa imported na bigas.