Connect with us

Pagbebenta ng murang bigas, kinukonsiderang lagyan ng limitasyon – DA

Pagbebenta ng murang bigas, kinukonsiderang lagyan ng limitasyon - DA

National News

Pagbebenta ng murang bigas, kinukonsiderang lagyan ng limitasyon – DA

Ilang araw na ang nakalilipas matapos ang pormal na paglulunsad ng “Program 29” o ang murang bigas na ibinibenta sa Kadiwa stores ng Department of Agriculture (DA) para lamang sa vulnerable sectors.

Inaasahan din na ngayong buwan ng Hulyo ay magkakaroon ng “Rice-for-all program” na bukas sa lahat ng mamimili.

Sinabi ni DA Spokesperson at Assistant Secretary Arnel de Mesa na mas mababa umano ang bentahan nila ng well-milled rice kumpara sa presyuhan sa pamilihan.

Ayon kay DA Asec. Arnel De Mesa “Sa ngayon, tina-target natin ay well-milled rice rin kung patuloy na bumababa. ‘Yung computations kasi namin 2 weeks ago pa ay P45 to P48 ang initial computations namin kasi ‘yung prevailing prices nun ay nasa P52 to P53 pa rin.”

Nilinaw ng opisyal na inisyal pa lamang ito at maaaring magbago ang presyo dahil sa ibat ibang kadahilanan.

Gayunpaman, hindi na raw sa National Food Authority (NFA) kukunin ang suplay ng bigas para sa lahat ng mamimili. Manggagaling na ito sa farmer cooperatives, traders at maging sa mga imported.

Hindi rin daw kaya ng DA na ibenta ang bigas sa ilalim ng Rice-for-all program sa mga palengke.

Aniya pa, “No, itong rice-for-all hindi siya sa mga palengke ibebenta sa Kadiwa centers pa rin natin (jump). ‘Yung sa palengke, we don’t want to kumbaga baguhin pa kasi nandiyan na ‘yan mayroon silang sariling selling scheme.”

Hindi rin isinasantabi ng DA ang posibilidad na kapareho lang ang guidelines na ipapatupad nila sa P29 at sa rice-for-all program.

Kinukonsidera ngayon ng DA ang paglalagay ng limitasyon sa bibilhing well milled rice ng mga ordinaryong konsyumer na pinalagan naman nila.

Saad naman ng mamimiling si Lina Coronel, “Mas okay sana kung ilang kilo, kung ano gusto ng tao. Kasi, para hindi pila-pila ang hirap kasi (jump). Hindi naman din siya mura eh.”

Ayon pa sa isang mamimili, “Kung ganon, huwag na nilang limitahan kasi pumaparehas lang naman din pala sa palengke.”

Paliwanag ng DA, hindi pa naman ito pinal at magkakaroon pa ng pagpupulong para sa guidelines naman ng rice-for-all program.

Dagdag naman ni De Mesa, “Kasi puwede kasi ma-subject sa abuse kung walang limit kasi kapag binili ‘yan puwedeng ibenta sa mas mahal lalo na kung sa mas bultuhan ang bibilhin nila. So, similar to P29 we’re we set 10 kilos per card holder ‘yung limit. We might be setting also for the rice-for-all.”

Samantala, pinuna ng grupong Federation of Free Farmers (FFF) Cooperative ang pamamahagi na fuel subsidy ng DA sa mga magsasaka.

Ayon sa FFF, band aid solution lang ito upang may masabi si Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang State of National Address (SONA) ngayong buwan, “Yung 3-K  na ipamimigay sa 160-K farmers kung rice farmers ‘yan ay wala pang 10% ng magsasaka ng palay ang makakatanggap niya. At kung ‘yan ay pangkalahatang mga magsasaka sa buong bansa ‘yang 160-K na makikinabang ay wala pang 20% sa kabuuang sa dami ng magsasaka (jump). Malaking halaga half a billion pesos pero ang makikinabang ay kaunti lang, hindi lahat.”

More in National News

Latest News

To Top