National News
Pagdinig sa ABS-CBN franchise sa Senado, hayaan na lamang – Panelo
Dapat pabayaan na lamang ang Senado na gawin ang pag-iimbestiga patungkol sa isyu ng prangkisa ng ABS-CBN Broadcasting Corporation.
Ito ang inihayag ni sa kabila ng pagkwestyon ni House Speaker Alan Peter Cayetano sa isinagawang Senate investigation sa prangkisa ng naturang media outlet ngayong araw gayong hindi pa ito natalakay sa kamara.
Dagdag ni Panelo, hayaan na lamang ang Senado na gawin ang pagdinig dahil kabilang din naman sa trabaho nito ang mag-imbestiga upang makapagbalangkas o ‘di kaya’y mag-amyenda ng mga batas.
Paglilinaw naman ng tagapagsalita, hindi makikialam si Pang. Rodrigo Duterte sa naturang usapin at hahayaan na lamang aniya nito na mananaig ang mga nakasaad sa batas.
Samantala, welcome sa palasyo ang ginawang pag-amin ni ABS-CBN CEO Karlo Katigbak sa hindi nila pagpapalabas ng campaign ad ni pang. Duterte noong 2016 national elections.
Gayunpaman, ani Panelo, dapat matagal na aniya nila itong ginawa.
Sa pagdinig ng Senado ngayong araw, ipinaliwanag ni Katigbak na may campaign ads ang hindi nai-ere bunsod ng first come first serve policy ng nasabing TV network.
Inamin rin ni Katigbak na ang refund ay hindi agad nai-release ng kumpaniya.
Samantala, sinabi ni Panelo na si Pang. Duterte lamang aniya ang makasasagot kung iko-konsidera nito ang paghingi ng paumanhin at pag-aming ito ng ABS-CBN dahil personal na usapin ito para sa punong-ehekutibo.