National News
Paggamit ng nuclear power plant, napapanahon na para mapababa ang singil sa kuryente – mambabatas
Maliban sa mga bilihin ay idinadaing ng mga consumer ang mataas na singil sa kuryente. Samantala, mayroon namang nagtutulak na gamitin na ng gobyerno ang nuclear power plant sa Bataan para mapababa ang singil.
Mula P4-K noong nakaraang buwan ay pumalo na sa P7-K ang Meralco bill ni Aling Monet ngayon.
Yan, ay kahit pa, nagbawas sila ng ginagamit na appliances tulad ng aircon para makatipid.
Bagamat nagtataka sila, no choice raw sila kundi ang bayaran ito.
Si Pamela naman, inaasahan nang tataas pa ang kanilang bill sa kuryente ngayong buwan lalo pat nagsimula na silang magpakabit ng aircon dahil sa sobrang init ng panahon.
Pero sa kabila nito, hindi niya maiwasan na hindi magreklamo sa dagdag na singil ng Meralco noong Marso.
Dahil sa mahal na ngayon ang singil sa kuryente, ang sabi ng iba ay baka panahon na para sa atin na gumamit ng nuclear energy. Ang ilang mambabatas, itinutulak na gamitin na ang nuclear power na matagal ng nakatengga sa Bataan.
Sa ngayon ay pasado na sa Kamara ang panukalang batas para sa ligtas na paggamit ng nuclear energy.
Ayon kay Pangasinan 2nd District Rep. Mark Cojuangco, mas ligtas gamitin ang nuclear energy bilang electricity source kesa sa coal, gas, at langis.
Itinutulak nitong gamitin na ng bansa ang nuclear power plant sa Bataan.
Naudlot lang aniya ang paggamit ng bansa ng nuclear sa panahon ni Marcos Sr. dahil sa pulitika.
Sinabi pa nito, na kung gumagana at ligtas namang nagagamit hanggang ngayon ng ibang bansa ang kanilang nuclear power plant na mas matanda pa sa Bataan ay wala daw dapat ipag-alala ang mga Pilipino sa paggamit ng bataan nuclear power plant.
Sa bahagi ng mga negosyante, suportado ni Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce & Industry Inc. (FCCCII) President Cecilio Pedro ang paggamit ng nuclear lalo pat hindi naman kakayanin ng bansa ang paggamit ng renewable source gaya ng solar energy dahil sa napakamahal nito.
Ang panukala para sa paggamit ng nuclear energy ay nakabinbin pa sa mataas na kapulungan ng kongreso.
Ang maganda ayon kay Senator Sherwin Gatchalian ay mas may interes ang mga senador ngayon na pag-uusapan ang paggamit ng nuclear energy dahil sa giyera na nangyayari sa Russia at Ukraine kung saan apektado ang gas supply doon.
Ayon dito, mas mura ang nuclear energy kung ikukumpara sa ginagamit na enerhiya na binibili ng Meralco.
Sa pagdinig ng panukala sa Senado, ay kailangan aniya ang sasabihin ng independent expert pagdating sa paggamit ng Bataan Nuclear Power Plant.
