National News
Paggamit ng pito at batuta ng mga pulis, ikinokonsidera ng PNP
Ikinokonsidera ng Philippine National Police (PNP) ang muling paggamit ng pito at batuta sa mga pulis sa mga pagpapatrolya nito sa lansangan at maging sa mga operasyon nito.
Kasunod ito ng sunud-sunod na insidente ng palpak na operasyon ng ilang pulis gaya ng pamamaril sa 17 anyos na si Jemboy Baltazar na napagkamalang suspek ng mga awtoridad sa Navotas City.
Habang isang 15 anyos na si Francis Ompad ay napatay rin sa pamamaril ng isang pulis sa isinagawang “Oplan Sita” sa Rodriguez Rizal.
Sa panayam ng media kay PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr., pabor siya na maibalik ang paggamit ng pito at batuta upang maiwasan ang mga agarang pamamaril at paggamit ng dahas sa mga target na suspek.
Nauunawaan rin ng heneral na baril agad ang binabalingan ng mga pulis sa kanilang mga operasyon dahil sa kawalan ng opsiyon na magagamit bilang warning o babala sa mga criminal.
Paliwanag ng pnp, matagal na rin naman itong bahagi sa uniporme ng mga pulis kayat mahigpit nila itong pag-aaralan para sa mas epektibo na trabaho ng mga ito sa lansangan gaya ng sa iba ring mga bansa na gumagamit pa rin ng pito at batuta.
