COVID-19 UPDATES
Pagkahawa ng 43 staff ng RITM, hindi dahil sa pagproseso ng COVID-19 specimen – DOH
Tiniyak ni Department of Health (DOH) Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire na hindi sa pagpo-proseso ng mga COVID-19 specimen ang naging sanhi ng pagpositibo sa COVID-19 ng 43 staff ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
Nanindigan si Usec. Vergeire na mahigpit na sinusunod ng mga empleyado ng RITM ang mga infection prevention and control protocol.
Gayunman ay nagsasagawa na anya sila ng contact tracing para malaman kung saan o sino ang source ng COVID-19 infection sa loob ng RITM.
Tiniyak din ni Vergeire na may sapat na personal protective equipments (PPEs) ang mga empleyado ng RITM at sumasailalim na sila sa pagsasanay sa tamang pagsuot at pangtanggal ng mga PPE.
Dahil dito ay nag-isyu ng mas istriktong patnubay o guidelines ang RITM kaugnay sa infection prevention and control para maiwasan ang pagkalat ng virus sa iba pang empleyado sa RITM.
