National News
Pagkalinga sa mga refugee, iginiit ni Sen. Padilla
Umapela muli si Sen. Robinhood Padilla sa mga ahensya ng pamahalaan na gawin ang lahat para magbigay ng pansamantalang kalinga sa refugees at stateless persons.
Halimbawa dito ang mga Tausug sa Sabah, at ang Afghans at Palestinians na mayroong mga asawang Pilipino.
Ginawa ng senador ang apela matapos makakuha ang kanyang panukalang batas ng suporta mula sa Department of Justice (DOJ) at Commission on Human Rights (CHR).
Ani Padilla, na naghain ng Senate Bill No. 2548 na may layuning palakasin ang proteksyon para sa mga refugee, mismong Saligang Batas aniya ang basehan ng pagbigay ng tulong sa mga refugees.
Sa paliwanag ng senador, “Sana po pakiusap ko po sa atin pong mga bisita ngayon, kayo po ang mas nakakaalam kung anong pwede natin gawin. Sana huwag natin kalimutan na ang ating Constitution, ang unang una ang preamble niyan ay pananampalataya natin sa Diyos. Pag sinabi natin tayo (ay) naniniwala sa Diyos, kasunod niyan ang pagmamahal natin sa kapwa, maging Pilipino man o hindi.”
Buwan ng Pebrero nang inihain ni Padilla ang Senate Bill No. 2548 na sumasang-ayon sa Sec. 11, Art. II ng 1987 Constitution.
Nakasaad dito na pinapahalagahan ng estado ang dignidad ng bawa’t tao at tinitiyak ang paggalang sa kanilang mga karapatan.
Ayon kay Padilla, simula 1980s ay tahanan na ang Pilipinas ng mga migrant at refugees kabilang na dito ang mga Hudyo noong administrasyon ni Pangulong Manuel Quezon at mga Vietnamese noong administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
“Ngayon, medyo kumplikado ang sitwasyon dahil sa mga usapin po at kinatatakutan ng tao na sinasabi na baka mapasukan tayo ng terorista, mapasukan tayo ng masasamang loob. ‘Yan naman po ay nakasalalay sa enforcement. Huwag naman po natin sana isisi sa taong nangangailangan ng kalinga,” ani Padilla.
Nagpahayag naman ng suporta ang DOJ at CHR sa panukalang batas na ito ni Padilla.