National News
Paglaki ng produksyon ng bigas para sa unang 6 na buwan ng 2023, ikinalugod ni PBBM
Malugod na tinanggap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang isang ulat tungkol sa kahanga-hangang paglago ng produksyon ng bigas sa unang 6 na buwan ng taon.
Sa isang pulong sa Malacañang kasama ang Economic Development Group, binanggit ni Department of Agriculture (DA) Senior Undersecretary Domingo Panganiban ang ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nagkumpirma, na ang palay output mula Enero – Hunyo 2023 ay tumaas sa 9-M metriko tonelada (MT), mula sa 8.7-M MT na nai-produce sa parehong panahon noong nakaraang taon at sa 2021.
Ang naturang palay output ay mas mataas pa sa inaasahan ng DA.
Tinawag ng pangulo na “excellent news” ang 3% na paglago sa produksyon sa parehong panahon noong 2022.
Inilahad din ni Pangulong Marcos na ang mas mataas na production figure ay malaking tulong sa suplay ng bigas sa bansa na sapat hanggang sa katapusan ng taon kahit pa sa gitna ng epekto ng super typhoon Egay.