National News
Paglikha ng 5-K DepEd non-teaching positions, inaprubahan ng DBM
Inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang kahilingan ng Departament of Education (DepEd) para sa paglikha ng 5-K non-teaching positions para sa Fiscal Year (FY) 2024.
Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, layunin nitong makatulong na maibsan ang pasanin ng mga guro sa pagsasagawa ng administrative tasks dahil sa kakulangan o kawalan ng mga non-teaching personnel sa mga paaralan.
Inisyu ang DepEd Order No. 002, s. 2024 na nag-uutos na alisin ang mga gawaing pang-administratibo mula sa workload ng mga guro.
“Our educators already have their plates full. By approving the creation of 5-K non-teaching positions, we aim to relieve teachers of administrative tasks and allow them to focus on quality instruction,” ayon kay DBM, Secretary Amenah Pangandaman.
Dagdag ni Pangandaman, nagbibigay-daan ito sa kanila na tumutok at mapakinabangan ang kanilang oras sa teaching at learning process.
Ipinahayag ng kalihim ang kanyang suporta sa nasabing pagsisikap na matataguyod sa pangkalahatang kapakanan ng parehong mga guro at mag-aaral.
Ang hakbang na ito ay magpapahusay din aniya sa sistema ng edukasyon ng bansa.
Ang 5,000 non-teaching positions sa loob ng DepEd ay Administrative Officer (AO) II positions na may Salary Grade (SG) 11.
Ipapakalat ito sa iba’t ibang School Division Offices at mga paaralan sa Cordillera Administrative Region (CAR), National Capital Region (NCR), Regions I – XII, at CARAGA.
