National News
Pagpapabilis sa proseso sa pagkuha ng medical at financial assistance, pinaplansya na ng ARTA
Ibinida ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) sa kanilang ika-4 na araw ng Ease of Doing Business Convention sa Pasay City ang ilang bagong hakbangin na makatutulong sa mga Pilipino.
Kabilang na rito ang pag-streamlined at ang digitalisasyon sa pagproseso ng dokumento ng isang pasyente na nais humiling ng medical at financial assistance mula sa gobyerno.
Sinabi ni ARTA Secretary Ernesto Perez, nais nilang tanggalin na ang ‘Certificate of Indigency’ na pahirap kunin sa mga barangay.
Sa ngayon kasi, magkakaiba ang mga form at requirement na hinihingi ng mga ahensya ng pamahalaan sa mga nais humiling ng tulong pinansyal na gagamitin na pambayad sa ospital.
Kaya naman sa ilalim ng memorandum of agreement (MOA) ng ARTA at iba pang partner agencies nito ay maiibsan na ang pasanin sa mga Pilipino.
Nais din ni Secretary Perez na ma-digitalized ang listahan ng mga humihingi at mga nabibigyan na ng medical assistance upang matiyak na hindi ito magkadoble-doble.
Bukod diyan, nais din ng ARTA na maging seamless ang pagdadaanang proseso ng mga pribadong sektor na mamahagi ng donasyon sa mga Pilipino.
Target ng ARTA na maipatupad ito sa unang kwarter ng 2024.
Ito ay upang mapaganda pa ang paghahatid serbisyo sa publiko.
Punto pa ni Perez, malaking bagay na mapabilis ang mga transaksyon sa Pilipinas dahil makatutulong ito upang makahikayat pa ng mas maraming mamumuhunan na siyang makapagpapaangat sa ekonomiya.
![](https://dzar1026.ph/wp-content/uploads/2024/05/logo-radio-1.jpg)