Connect with us

Pagpapabuti sa kapakanan ng mga guro, muling iginiit

Pagpapabuti sa kapakanan ng mga guro, muling iginiit

National News

Pagpapabuti sa kapakanan ng mga guro, muling iginiit

Sa gitna ng pagdiriwang ng Labor Day, muling iginiit ni Senador Win Gatchalian ang panukala niyang Revised Magna Carta for Public School Teachers (Senate Bill No. 2493) para itaguyod ang kapakanan ng mga guro.

Layon ng naturang panukala na amyendahan ang Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670) na isinabatas 57 taon na ang nakalilipas.

Kabilang sa mga isinusulong ng panukalang batas ang pagbibigay ng calamity leave, educational benefits, at longevity pay sa mga guro. Nakasaad din dito ang mga kondisyon sa pagbibigay ng special hardship allowance, pinaigting na criteria sa sahod, at proteksyon sa mga guro mula sa out-of-pocket expenses o dagdag gastos.

Nakasaad din sa panukalang batas na kung anong sahod, benepisyo, at mga kondisyon sa trabaho na nakukuha ng entry-level teachers ay makukuha din ng probationary teachers.

“Alalahanin natin ang dedikasyon sa trabaho ng ating mga guro. Sila ang humuhubog sa galing at kakayahan ng ating mga mag-aaral kaya itaguyod natin ang mas mataas na sahod at mas maayos na kabuhayan para sa kanila. Tiyakin din natin na nasa mabuti silang kalagayan upang ipagpatuloy ang hindi mapapantayan nilang sakripisyo,” ayon kay Chairperson, Senate Committee on Basic Education, Sen. Win Gatchalian.

Ayon sa senador, nararapat lamang na isulong ang mas maayos na kabuhayan para sa mga guro dahil sa kanilang pagsakripisyo sa paghubog ng mga mag-aaral.

Nakapaloob rin sa panukala na babawasan ang oras ng pagtuturo sa 4 na oras mula 6. Gayunpaman, maaaring magtrabaho ang mga guro nang hanggang 8 oras kung kinakailangan.

Para sa mga maglalaan ng karagdagang oras sa trabaho, kailangang matanggap nila ang katumbas ng kanilang regular na sahod at karagdagang 25% ng kanilang basic pay. Pahihintulutan din ng panukalang batas ang pansamantalang pag-hire ng mga substitute teacher kung naka-leave ang isang regular na guro.

Ipagbabawal rin ng panukalang batas ang pagbibigay ng mga non-teaching task sa mga guro. Matatandaang batay sa isang ulat ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), patuloy na isinasagawa ng mga guro sa pampublikong paaralan ang karagdagang 50 non-teaching o administrative tasks.

More in National News

Latest News

To Top