National News
Pagpapaigting ng PH-China friendship, ipagpapatuloy ng APCU sa kabila ng WPS issue
Mas tumindi pa ang girian ng Pilipinas at China pagdating sa usapin ng West Philippine Sea (WPS) sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Lalo na’t mas malapit ang kasalukuyang pamahalaan sa mga Amerikano.
At para sa Association for Philippines-China Understanding (APCU), external o hindi mga Pinoy ang nagpapa-init sa sitwasyon.
“Yes totoo ‘yan, hindi natin pwedeng ma-deny—no. Meron talagang umiigting na tensyon. Largely tingin namin ano eh, because of outside forces. Hindi naman talaga between the Philippines and China,” ayon kay APCU 2024, Organizer, Peter Tiu Laviña.
Ang APCU ang nangungunang non-government organization sa Pilipinas na nagsusulong ng people-to-people diplomacy, bilateral understanding at pagkakaibigan sa pagitan ng China at Pilipinas.
Sa kabila ng tensyon sa pinag-aagawang teritoryo, hindi raw susuko ang APCU na kilalanin ang mga Pinoy na nagsusulong sa PH-China friendship.
Ito nga’y kahit pa may mala-racism na problema ngayon sa bansa.
“Nababahala rin tayo dahil sa tumataas, umiigting yung tinatawag nating xenophobia. ‘Yun bang pag-aatake sa mga mamamayan mga Pilipino na pro-China raw sila, spies daw sila ng China at iba pa. Hindi ito makatarungan, nadaragdagan lang ang kalituhan ng ating mamamayan. So hindi tayo nababahala diyan although we are opposing kasi isang porma ito ng racism,” dagdag pa nito.
Ngayong 2024 ang ika-4 na APCU awards.
Kahit sino ay pwedeng mag-nominate ng sa tingin nila ay nagsusulong sa pagkakaibigan ng 2 bansa.
Sa April 21, ang deadline ng nomination.
“Iba-iba ‘yung ating mga categories sa ating awards. Meron tayong tinatawag na hall of fame, ‘yung mga matataas na official. Meron tayong outstanding, hindi masyadong mataas na official pero maganda ang naging kontribusyon. At meron tayong mga major awards—mga hindi gaanong kilala pero sa mga localities nila at sa kanilang mga sektor, meron impact ‘yung ganilang mga ginagawang pag-kilos,” saad pa ni Peter Tiu Laviña.
Bisitahin lamang ang APCU website para sa karagdagang impormasyon.
