National News
Pagpasok ng ICC sa Pilipinas, malaking insulto sa lahat ng mga abogado sa bansa – law expert
Naghahanda ng ‘briefer’ ang Department of Justice (DOJ) para ipaalam kay Pangulong Bongbong Marcos ang mga posibleng hakbang ng pamahalaan sa International Criminal Court (ICC).
Target ng ICC sina dating Pangulong Rodrigo Duterte, ilang retired police generals kasama si Senator Ronald Dela Rosa kaugnay ng giyera kontra iligal na droga ng nakaraang administrasyon.
Ngunit ayon kay Senator Francis Escudero, hindi na kailangan pang isapubliko o gawan ng press statement ang planong ‘briefer’ ng DOJ sa pangulo.
Saad ni Escudero, mas lalo lang pinaiinit ng administrasyon ang bangayan ng mga Marcos at Duterte.
Sa gitna na rin ito ng mga Maisug Peace Rally kung saan pinupuna ni dating Pangulong Duterte ang mga polisiya ng kasalukuyang pamahalaan.
Lalo na ang isyu ng Charter Change (Cha-Cha).
Ngunit para sa isang US-based law professor na si Atty. Arnedo Valera, malaking sampal sa lahat ng mga abogado sa Pilipinas kung hahayaan ng Marcos Jr. administration na makapasok ang ICC sa bansa.
Malinaw kasi na gumagana ang justice system sa bansa lalo na ang mga korte nito.
“Bilang abogado naman eh malaking insulto naman ‘yan sa lahat ng mga abogado. Na papapasukin mo at papayagan mong manghimasok ang isang international entity na wala man lang accountability kahit sa United Nations,” ayon kay Law Expert, Atty. Arnedo Valera.
Diin ni Valera, dapat ngang kwestyunin ng lahat ng abogado ang ICC at tanggihan na maging subject ang Pilipinas sa political manipulation.
“Isang entity na subject sa political manipulation ay papapasukin mo para husgahan at magkaroon ng intervention dito sa sistema ng batas ng bansa natin ano na may kakayahan naman tayong mag-usig,” dagdag pa nito
Nauna nang nilinaw ng Presidential Communications Office (PCO) na hindi nagbabago ang posisyon ni Pangulong Marcos Jr. laban sa ICC.
At standard procedure lamang daw ang ICC briefer ng DOJ.
“Unang-una ay mag-release sila ng statement na kinukumpirma namin, ina-affirm namin ang aming previous position, hindi po namin kinikilala ang hurisdiksyon ng International Criminal Court,” ani Valera.
Bukod sa Pilipinas, kontra rin ang malalaking bansa sa ICC.
Kumalas ang Pilipinas sa ICC sa Duterte administration dahil sa pangingialam nito sa drug war.
Matindi ang pagtutol noon ni Duterte sa panghihimasok ng banyagang ICC sa mga polisiya ng administrasyon.
“Mismong malalaking bansa Admar and MJ katulad ng India, ng China ng US, ng Russia eh hindi nila kinikilala itong ICC dahil nga sa walang accountability ito no,” aniya.
Sa huli, naniniwala ang law expert na hangga’t hindi nahihinto ang mga Maisug Rally ni PRRD ay mananatili ang banta ng ICC.
Masakit na ganti sa dating presidente na nagpalipat sa Libingan ng mga Bayani kay dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. isang diktador at ama ng kasalukuyang pangulo.
Isang sugal, kapital ang matinding political will noon ng beteranong Duterte.
“Unless sinasabi niya ngayon na binabago niya ‘yung stance niya ano? Kasi parang ginagawa niya ito ng DOJ at ng administrasyon na isang bitag or pananakot para sa mga Duterte administration,” pahayag pa ni Valera.
