National News
Pagproproseso ng aplikasyon ng mga app-based companies, niluwagan ng DICT
Nagkaroon ng dayalogo ang Department of Information and Communication Technology (DICT) sa 14 na mga kilala at mga lehitimong apps-based companies sa bansa.
Layunin ng dayalogo na masolusyunan ang iba’t ibang hinaing ng mga business operator at maging ang maayos ang kanilang mga sistema.
Isa sa mga pinag-tuunan ng pansin ni DICT Acting Secretary Emmanuel Rey Caintic ay ang pagpapabilis ng pagproseso ng mga aplikasyon ng bawat app-based companies.
Hakbang ito upang matiyak na ang ang mga patakaran at pamamaraan para sa pagpaparehistro at regulasyon ay streamlined at red-tape free.
Pagbibigay diin pa ng opisyal, may tatlong hangarin ng ahensya para sa mga nabanggit na kumpanya.
Dagdag pa ni Caintic, dapat sundin ng bawat kumpanya ang ipinapatupad na alituntinin ng ahensya upang maging maayos at walang mapapasama sa kanilang mga serbisyo.
Aniya, hindi nito pahihirapan pa ang mga player na nais magsimula ng negosyo bastat sundin lamang ang mga patakaran.
Sinabi pa nito na dapat tiyakin ng mga business operators na kilala nila ang kanilang mga customer upang maiwasan ang bogus booking at fake booking.
Sa pamamagitan nito ay mapapabuti ang pagnenegosyo ng mga kumpanyang pumapasok na nagbibigay trabaho rin sa libu-libong mamamayan.
Ayon pa kay Caintic, ilan lamang ito sa mga hakbang na inaprubahan ng ahensya upang mas mapabuti regulasyon at upang matiyak na ang mga proseso at pamamaraan ay mahusay, epektibo, at walang red-tape.
