Connect with us

Pagsabog ng Mt. Bulusan sa Sorsogon, posible pang maulit sa mga susunod na araw

Pagsabog ng Mt. Bulusan sa Sorsogon, posible pang maulit sa mga susunod na araw

National News

Pagsabog ng Mt. Bulusan sa Sorsogon, posible pang maulit sa mga susunod na araw

Posible pang maulit sa mga susunod na araw ang nangyaring pagsabog ng Bulkang Bulusan sa Sorsogon ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Samantala, umabot sa 27K indibidwal ang apektado ng ash fall na dulot ng phreatic eruption ng nasabing bulkan.

Matapos ang phreatic eruption ng Bulkang Bulusan nitong umaga ng Lunes, nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng isang ash emission activity nitong madaling araw ng Martes.

Ito ang iniulat ni Phivolcs Director Dr. Teresito Bacolcol sa isang televised briefing, “To be exact, although hindi naman ito masyadong mataas, nasa 100 meters lamang; and nakapagtala din tayo for the past 24 hours ng 89 volcanic earthquakes.”

Base sa monitoring ng Phivolcs, ang phreatic eruption na nangyari nitong Lunes ay posible pang maulit sa mga susunod na araw.

Kaya naman pinayuhan ang publiko na huwag pumasok sa 4-km permanent danger zone dahil puwedeng mangyari ulit ang naturang eruption.

Sa ngayon, ani Bacolcol, nasa Alert Level 1 ang Bulusan Volcano.

Bago pa man ang naging huling pagsabog ng Bulkang Bulusan, naitala ang mahigit 50 volcanic earthquake.

Dagdag pa ni Phivolcs Director Dr. Teresito Bacolcol, “Iyon volcanic earthquakes ay indikasyon iyan na may gumagalaw na magma o ‘di kaya ay hydrothermal fluids, pero hindi naman ibig sabihin na puputok kaagad. Pero kapag marami na, puwede itong maging precursor ng isang volcanic eruption.”

Sa katunayan, noong April 21, napansin ng Phivolcs na biglang dumami ang volcanic earthquakes.

Dahil diyan ay naglabas agad sila ng abiso na maging mapagbantay o maingat ang mga lokal na pamahalaan pati na ang mga residente dahil baka magkaroon ng phreatic eruption at ito’y nangyari nga.

Makalipas ang 7 araw, nagkaroon nga ng phreatic eruption na nangyari nitong Lunes.

Ibinahagi naman ng Office of Civil Defense (OCD) ang naging epekto ng pagbuga ng abo ng Bulkang Bulusan.

Sinabi ni OCD Spokesperson Director Chris Bendijo na nagbuga ito ng plume na may taas na 4,500 meters, kaya’t ang mga lugar sa paligid nito ay nagkaroon ng epekto ng ash fall.

Sa kabuuan, may 4 na munisipalidad at 19 na barangay ang apektado ng ash fall.

Katumbas ito ng kabuuang 27K indibidwal, “Nabanggit naman po ni Director Bacolcol, na may posibilidad na magkaroon ng explosion ‘no. So, kung saka-sakaling kailangan nating mag-evacuate, iyong ating logistics na magdadala ng ating mga goods, mga food at non-food items.”

Bilang tugon, nakipag-ugnayan ang OCD sa Provincial and Local Disaster Risk Reduction Management Offices at sa Bureau of Fire Protection (BFP) upang magsagawa ng flushing sa mga kalye dahil nagdudulot aniya ito ng low visibility kapag nadadaanan ng mga sasakyan.

Minabuti rin ng Bureau of Fire na bugahan ng tubig ang mga ash fall na ito upang makaiwas sa dagdag pinsala na maaaring maidulot ng mga traffic accident.

Dagdag ni OCD Spokesperson Director Chris Bendijo, “But in terms of on the ground po, minabuti po nating tutukan muna itong mga affected individuals sa ating mga evacuation centers, pati na rin po iyong … iyon nga po, iyong ating koordinasyon sa Bureau of Fire at nang sa ganoon po ay mabawasan naman po iyong epekto ng abo ‘no sa ating mga kalye dahil pinaghahandaan din po natin.”

More in National News

Latest News

To Top