National News
Pagtakwil sa NPA, ipinanawagan sa mga kakandidato sa 2025 polls
Nakatutok ngayon ang buong sambayanan sa nagpapatuloy na filling of candidacy ng mga nagnanais na makakuha ng posisyon.
Partikular na sa Senado, Kamara, probinsya at sa mga syudad o munisipalidad.
Habang abala sa midterm elections, nananawagan naman ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa mga tatakbong politiko na magkaroon ng malinaw na paninindigan laban sa armadong pakikibaka.
Hayagan rin itong kondenahin at mainam na ipangako ang pagkakaroon ng mapayapang solusyon sa mga suliranin ng lipunan.
Sa isang pulong balitaan, binigyang-diin ni NTF-ELCAC Executive Director Usec. Ernesto Torres Jr. ang kahalagahan ng iisang pananaw para sa kapayapaan at kaunlaran. “We are living in a democratic society, and anyone has the right to run for office as long as he is qualified, but it is crucial for the Filipino nation to be aware of the truth about the CPP-NPA-NDF, a designated terrorist group under the Anti-Terrorism Act.”
Dagdag pa ni Torres, ang nagpapatuloy na kampanya ng NTF-ELCAC ay naglalayong ilantad ang mapanlinlang na mga taktika na ginagamit ng Communist Party of the Philippines (CPP) at ang armed wing nito, ang New People’s Army (NPA).
Umaasa din ito na tatalikuran ng mga kandidato ang armadong pakikibaka at tatanggapin ang mapayapang solusyon.
“We hope that our partners and stakeholders will continue to educate the public about the CPP-NPA-NDF’s manipulative tactics. We want to ensure that those who serve our country do not believe in violent ways of resolving conflict,” ani Torres.