National News
Pagtanggap ng gobyerno sa Afghan refugees, kwestiyunable
Mas lumalalim ngayon ang katanungan ng isang political strategist sa Marcos Jr. admin.
Kasunod ito sa kanilang pagpayag sa hiling ng Estados Unidos na pansamantalang mamalagi sa Pilipinas ang Afghan refugees.
“Pambu-budol rin iyan diba? Hindi ko maintindihan, visa processing, sa atin idadaan? Bakit hindi sila mag-visa processing sa US, diba? Hindi sila mag visa processing doon sa iba nilang bansa sa Middle East. Bakit sa Pilipinas dadalhin?” ang pahayag ng political strategist na si Malou Tiquia.
Ayon pa kay Tiquia, “Hindi ko maintindihan bakit nagpapaloko si Pangulong Marcos dito sa Estados Unidos. Biro mong i-allow mo iyan. Hindi ko maintindihan kung visa processing. Later on pag hindi- sasabihin magkaroon ng problema sa visa processing, sasabihin housing muna, titigil muna dito.”
Nakapagtataka naman aniya kung bakit kailangan pang idaan ang Afghan nationals sa Pilipinas gayong hindi naman aniya maituturing na refugees ang mga ito dahil nagtrabaho sila para sa Amerika. “Ito yung mga tumulong sa mga Amerikano. Kung hanggang ngayon hindi pa nila napo-process ang kanilang visa ng mga tumulong sa kanila, may problema sila at ‘yun ay hindi problema ng Pilipinas.”
Hinimok naman ni Tiquia ang Marcos government na linawin sa publiko ang kasunduan sa pagpayag na tanggapin ng Pilipinas ang Afghan refugees.