National News
Pagwalang bisa ng CA sa writ of amparo, pinasusuri muli ng KOJC
Muling pinasusuri sa Court of Appeals (CA) ang pinawalang bisa nito na temporary protection order (TPO) laban sa mga pulis na nagsisilbi ng arrest warrant sa KOJC Compound.
Ang tinutukoy na temporary protection order ay ang inilabas ng Davao City Regional Trial Court Branch 15.
Sa press conference, sinabi ni KOJC legal counsel Atty. Israelito Torreon na naghain na sila ng motion for reconsideration para idiin na hindi sakop ng isinisilbing arrest warrant ang mga KOJC members, Jose Maria College (JMC) officials at mga estudyante.
Binigyang-diin rin ni Torreon na ang paghahain nila ng motion for reconsideration ay karapatan ng mga biktima ng marahas at iligal na paghihimasok ng libu-libong pulis sa KOJC Compound na itinuturing nilang tahanan at paaralan.
Tiwala naman ang butihing abogado na may bisa parin ang temporary protection order na inilabas ng Davao City RTC.
Ilang beses na ring binanggit ni Atty. Torreon na ang arrest warrant ay hindi lisensiya para labagin ang karapatan ng isang indibidwal.