National News
Pakiramdam ng publiko, mas mahalaga kaysa ulat ng pagbaba ng krimen — Sen. Bato
Ang tunay na sukatan ng kaligtasan na higit pa sa pagbaba ng crime rate ay ang pakiramdam ng publiko.
Ito ang pahayag ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa kasunod ng ulat na bumaba raw ng mahigit 18% ang mga naitalang krimen sa unang bahagi ng 2025.
Para kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, hindi sapat ang pagbaba ng bilang ng mga krimen para masabing ligtas na ang isang bansa.
Ang mahalaga, ayon sa kanya, ay kung ramdam ba ng taumbayan ang seguridad sa kanilang paligid, “Anuman ang ipakitang numero, ang pinakaimportanteng malaman ay kung ano ang nararamdaman ng taumbayan—kung ligtas ba sila o hindi.”
Batay sa datos ng Philippine National Police (PNP), mula ika-12 ng Enero – ika-22 ng Marso ng taong ito, bumaba sa mahigit 7,301 ang bilang ng focus crimes—mula sa mahigit 8,950 kaso noong ika-3 ng Nobyembre, 2024 – ika-11 ng Enero, 2025.
Kabilang sa mga tinutukoy na focus crimes ay ang pagpatay, homicide, physical injury, panggagahasa, pagnanakaw, at carnapping ng mga sasakyan at motorsiklo.
Giit ng senador, hindi sapat ang mga numerong ito kung hindi naman nararamdaman ng publiko ang epekto nito sa kanilang seguridad, “Tanungin mo ang mga tao. Kung pakiramdam nila ay ligtas sila sa kasalukuyang kalagayan, ibibigay nila sa’yo ang totoo nilang sagot.”
“Huwag lang puro figures. Kasi kahit maganda ang numero pero ang mga tao naman ay natatakot, wala rin. Dapat talagang malaman mo kung ano ang pakiramdam nila.”
Dagdag pa ni Dela Rosa, dapat bumaba ang pamahalaan sa mga lansangan at tanungin mismo ang mamamayan para malaman ang tunay na kalagayan pagdating sa usapin ng kaligtasan.
Para sa senador, ang tunay na sukatan ng tagumpay laban sa krimen ay hindi lang sa datos, kundi sa kung gaano kakampante at ligtas ang pakiramdam ng bawat Pilipino sa araw-araw.
Giit ni Senador Dela Rosa, dapat magtugma ang naitalang pagbaba ng crime rate sa kung ano ang nararamdaman ng publiko tungkol sa kaligtasan para masabing epektibo ang kampanya ng pamahalaan laban sa krimen.
