National News
Palugit sa pagbabayad ng utang, ipinanawagan ni Sen. Imee Marcos
Muling ipinanawagan ni Sen. Imee Marcos sa gobyerno na humingi muna ito ng palugit sa pagbabayad utang sa ibang bansa para makalikom ng karagdagang pondo para sa mga apektado ng enhanced community quarantine.
Sa panayam ng Soshine Radio kay Sen. Marcos na siya ring chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, aniya wala namang mawawala kung susubukan ng bansa na humingi muna ng debt moratorium.
Pagbabahagi pa ng senadora na ang ibang malalaking bansa ay nagpupulong na rin para maki-usap sa International Monetary Fund (IMF) at World Bank.
Aniya, aabot sa P451 bilyon ang maaaring malikom ng pamahalaan sakaling mapagpaliban ang pagbabayad sa utang ng bansa.
Samantala, isa pa sa nakikitang paraan ni Marcos para makalikom ng pondo ay ang paggamit ng contingency, calamity at quick response fund at muling pangungutang sa IMF dahil nasa investment grade na ang Pilipinas na ang ibig-sabihin ay zero interest ang lahat ng magiging utang nito.
“Ok lang mag-loan kasi 500 million daw ang ibibigay sa atin – isa pa yung karagdagan. Ang bababa naman ng utang natin kaya kayang-kaya talagang mangutang pa. Halos zero ang interest dahil investment grade na ang Pilipinas,” pahayag ni Senador Imee Marcos.