COVID-19 UPDATES
Pamahalaan, hinimok na pangalanan ang mga nagpositibo sa COVID- 19
Iginiit ni Davao del Norte Rep. Alan “Aldu” Dujali na mas magiging epektibo ang kampanya ng pamahalaan laban sa pagkalat ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa bansa kung ilalahad ang pangalan ng mga taong nagpositibo nito.
Ayon kay Dujali, lumiham na siya sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF-EID) at umapela na ipatupad ang Mandatory reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern o RA 11332.
Ayon pa sa kongresista, kung papangalanan ang lahat ng COVID-19 positive cases ay mas matatakot itong lumabag sa mga umiiral na quarantine rules at mas kokonti ang mahahawaan.
Bukod dito, mas mabibigyan pa aniya ng impormasyon at pagkakataon ang mga nakahalubilo ng bawat COVID- 19 positive na bantayan kung sila ay may sintomas at kusa na ring sumailalim sa self-quarantine.
“If we go further by allowing our government to publicly disclose the identities of persons infected with the virus, the PUIs and PUMs, I believe we can make a more positive impact towards effectively slowing down the spread of the virus,” wika ni Dujali.
Sinabi pa ng kongresista na ang hakbang ay hindi paglabag sa Data Privacy Act dahil may mga exemptions ang batas halimbawa kung ang Department of Health (DOH) mismo ang mag-aanunsyo at maglalahad ng impormasyon.
“Dissemination of such information to the public by the DOH and its local counterparts is not prohibited, yet actually mandated, so long as they are gathered from the official disease surveillance and response systems that are already built in place,” pagliliwanag ng kongresista.
Matatandaan na marami nang mga kilalang personalidad sa Pilipinas at sa ibang bansa na positibo rin sa virus ang lumantad sa publiko sa hangarin na mabalaan ang lahat ng mga nakasalumuha nila na sumailalim sa self quarantine.