Regional
Pamahalaan, maaaring gamitin ang Ilocos Norte forest program para matiyak ang sustainability – PBBM
Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maaaring gamitin ng bansa ang isang konsepto ng forest management project na isinagawa sa Ilocos Norte upang matiyak ang pagpapanatili ng forest projects.
Nabanggit ito ng pangulo sa gitna ng dinaluhang mga pagdiriwang ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa Philippine Environment Month, Philippine Arbor Day, at ika-160 na anibersaryo ng Philippine Forestry.
Ani Marcos, ang proyekto ng Ilocos na tinustusan ng Asian Development Bank (ADB) ay may kinalaman sa pagtatanim ng puno, pagpapaunlad ng watershed at pagtataguyod ng cooperative organization.
Kasabay ng nasabing okasyon, nagtanim si Pangulong Marcos ng Molave Tree sa Environmental Heroes Park ng DENR bilang pagdiriwang ng Arbor Day na ginaganap tuwing ika-25 ng Hunyo.
Ngayong taon, hinihikayat ng DENR ang pagtatanim ng native trees species sa buong bansa, partikular ang Molave, Narra at Mountain Agoho.
Nakatutulong ang mga punong ito sa pagbawi at pagpapalawak ng mga tirahan sa kagubatan para sa mga nanganganib na native species ng mga halaman at hayop.
Nagpoprotekta rin ang mga nasabing puno sa watershed at freshwater resources at nagbibigay katiyakan sa kabuhayan ng mga lokal na mamamayan.
Ang anibersaryo ng Philippine Forestry Service ngayong taon ay may temang, ‘Forest for Life’.
As of 2020, ang Pilipinas ay mayroong mahigit na 7.2-M ektarya ng forest land.
