National News
Pamahalaan, tulungan na lamang imbes na pintasan – Palasyo
Nanawagan ang Palasyo sa mga kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte na tumulong na lamang imbes na mamintas sa mga hakbang na ginagawa ng pamahalaan.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, mas maiging magbigay din ng mga mungkahi o suhestyon ang mga ito para makatulong sa pagresolba ng kinahaharap na problema dahil sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Nag-ugat ang mga puna noong nagbigay ng babala si Pangulong Duterte tungkol sa panganib na dulot ng COVID-19 sabay paggiit ng mga kritkiko na ipinagwalang-bahala lamang umano nito ang sitwasyon.
Binigyang-diin naman ni Panelo na hindi ipinagwalang-bahala ng pangulo ang sitwasyon noong nakapagtala pa lamang ng ilang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.
Sa katunayan, sinusunod ng punong ehekutibo ang mga guidelines ng World Health Organization (WHO) matapos makapagtala ng COVID-19 case dito sa bansa.
Dagdag pa ni Panelo, ayaw lamang makalikha ng pangulo ng mga bagay na ikababahala ng publiko.
Samantala, muli namang inihayag ng Malakanyang na nasa maayos na kalagayan ang pangulo.