National News
Pamumulitika sa ayuda ng DSWD, inilahad sa Senado
Dumulog na sa Senado ang congressman ng Zamboanga City na tinanggalan ng ayuda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon naman sa ilang senador, ito ay malinaw na pamumulitika lalot papalapit na ang 2025 midterm elections.
Trending kamakailan sa social media ang pagluhod ng isang congressman sa isang opisyal ng DSWD sa Zamboanga.
Ayon kay Congressman Khymer Olaso, last minute kasi ay pinahinto ng DSWD ang payout o ang ayuda sa kanyang distrito.
Isang maimpluwensyang tao ang nagpahinto matapos niyang mag-file ng kanyang certificate of candidacy sa pagka-mayor sa kanilang lugar.
Ani Olaso, “We were already scheduled on the 11th unfortunately after filing my certificate of candidacy as mayor last Tuesday October 8 the following day I received a call from DSWD telling me na hindi na matutuloy ang payout. Sabi ko bakit ano ang nangyari? Sir pinahinto sa taas.”
Sa pagdinig ng Senado sa 2025 budget ng DSWD sinabi ni Congressman Olaso ang pondo sa sobra 12,000 payout ay mula sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair na programa ni Pangulong Bongbong Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
Tatlong linggo bago ang scheduled payout ay nakahanda na ang pamamahagi ngunit bigla na lang na kansela matapos maghain ng kanyang kandidatura.
Sa Zamboanga City, bukod kay Congressman Olaso ay tatakbo rin bilang Mayor si House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe.
Ayon pa kay Olaso, “Nung nag file ako bigla na lang kinansela ang lahat ng pondo ko. Sabi ko sana wag naman ganun kasi ang pera na ito ay ibinibigay sa mga Pilipino hindi to pera ng mga magulang nila. This is tax payer’s money. So, I will stand for it. Hindi pwede na iwan natin ang taumbayan ng ganun.”
Sa panig naman ng DSWD, sinabi ni Secretary Rex Gatchalian na walang pondo ang congressman para sa ayuda, “Madaam chair let me just state for the record walang sariling pondo ang congressman. Yung sinabing pondo ko walang pondo ang congressman. These are department disbursed funds.”
Palusot rin ni Gatchalian na kailangan din kasing ma-verify ang mga beneficiaries kung kaya’t kailangan pa ng mas mahabang panahon.
Pero para kay Sen. Bong Go, tila namimili ang DWSD sa binibigyan nila ng ayuda.
“Kung qualified naman po sana pakiusap ko lang ay maging fair po tayo.
Sinabi nyu na po na hindi kayo magiging selective sa binibigyan beneficiaries. Bakit po hindi natuloy ito? I am sure hindi lang ito nangyayari sa Zamboanga.”
Dagdag pa ni Go, “bakit kailangan pang magmakaawa ng isang kongresista para matuloy ang payout sa mga intended na indigent beneficiaries?”
Sinabi naman ni Senadora Imee Marcos na syang nag-precide ng nasabing pagdinig na hindi ito ang unang pagkakataon na ito ay nangyari.
“Alam naman natin na hindi lang yan ang kauna-unahang pagkakataon na nangyari. Marami ring nahinto ang payout. Sa Surigao Del Norte, nangyari na rin yan sa North Cotabato.
Marami na talagang ginagawang ganyan ang DSWD. Huwag naman kayong sasama sa pulitika. Wala pang eleksyon.
Mas pulitiko pa kayo kesa sa amin.”