National News
Panawagan kontra proxy war ng Amerika sa Pilipinas, sinimulan na
Giyera ng kano ibasura! Giyera ng kano ibasura!
Ito ang sigaw ng koalisyon ng mamamayan kontra giyera sa isang forum ng No to US-BBM Proxy War sa Lungsod ng Quezon araw ng Miyerkules, ika-24 ng Abril.
Kasama din sa Lumahok sina Jeffrey “Ka Eric” Celiz, Peter “Ka Ramon” Mutuc, dating NTF-ELCAC Usec. Lorraine Badoy, dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque at iba pang personalidad.
Para sa kanila, interes kasi ng Amerika at hindi interes ng mamamayang Pilipino ang pangunahing tinututukan ng kasalukuyang administrasyon kung bakit may lihim na sabwatan si BBM at Amerika.
Kasama rin sa panawagan ng grupo na itigil na ang umiiral na Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na umiiral sa Pilipinas.
Maging ang ibang mga dating rebelde na sumisigaw na ibagsak ang imperyalismo ng Amerika ay pinaniniwalaan na naging kasabwat na rin sa isinusulong na proxy war sa Pilipinas.
Pinangangambahan din ng grupo na maaaring nasa estado na ang Pilipinas ng proxy war kaugnay ng girian sa pagitan ng China at Taiwan.
Ito nga’y matapos umano silang makatanggap ng balita na palihim na dumarating ang missiles at ilang kagamitang pang giyera sa bandang Region 1.
Samantala, mahigit 100 indibidwal ng koalisyon ang pumirma sa manifesto kontra giyera.
Target ding gawin ang signing ceremony sa mga paaralan, at ibat-iba pang komunidad sa Pilipinas at sa labas ng bansa.
Maaari ding gawin ang paglagda online.
