National News
Pang. Duterte, nagdeklara ng unilateral ceasefire laban sa mga makakaliwang grupo
Nagdeklara si Pangulong Rodrigo Duterte ng unilateral ceasefire laban sa mga Communist Party of the Philippines-New Peoples Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) kasunod na rin ng umiiral na enhanced community quarantine sa Luzon at state of calamity sa buong Pilipinas.
Magiging epektibo ito simula ngayong araw at magtatagal hanggang sa Abril 15..
Nagbigay din ang pangulo ng direktiba ng cease and desist sa Department of National Defense(DND), Department of Interior and Local Government (DILG), Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).
Kasama din na sususpendihin ang Offensive Military and Police Operations (SOMO).
Umaasa naman ang pamahalaan na sa pamamagitan ng deklarasyong ito ay walang magiging hadlang sa ipinatutupad na health assistance ng pamahalaan sa publiko, at magtutuloy-tuloy lamang ang pagbiyahe ng mga health workers at medical supplies, maging sa mga indibidwal na nangangailangan ng medical attention.
Local terrorists, dapat sundin ang panawagang ceasefire ni Pangulong Duterte ayon sa AFP
Sa kaugnay na balita, dapat na sundin ng local terrorists ang panawagan na tigil-putukan ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa banta ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Marine Brigadier General Edgard Arevalo, kapakanan ng publiko ang pakay ng pangulo sa panahong ito.
Tiniyak din ni Arevalo na kanilang gagawin ang kanilang makakaya upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.
Nanawagan naman ito ng pagkakaisa lalo na ang kooperasyon ng publiko upang agad na mapigilan ang nasabing sakit.