National News
Pang. Duterte, umapela na huwag magalit sa mga Chinese
Umapela si Pang. Rodrigo Duterte sa publiko na huwag magalit sa mga Chinese kasunod ng pagkalat ng 2019 novel coronavirus (2019-nCoV) outbreak.
Sinabi ng pangulo na hindi maganda ang nasabing kaugalian dahil marami ring mga Pilipino ang naninirahan at nagtatrabaho sa China.
Ayon sa pangulo, naging mabait naman sa atin ang China at dapat ay magkaisa ang lahat para malabanan ang pagkalat ng nasabing virus.
Sa ngayon ay umaabot na sa mahigit tatlundaan katao ang nasawi at halos 15,000 na ang nadapuan ng virus na nagmula sa Wuhan City, sa probinsya ng Hubei sa China.
TOURISM INDUSTRY
Samantala, inabisuhan na ng Department of Tourism (DOT) ang foreign offices nito sa China na ipaabot sa stakeholders ang direktiba ni Pang. Duterte kaugnay ng temporary travel ban sa mga dayuhang nais pumasok ng Pilipinas dahil sa 2019 Novel Coronavirus Acute Respiratory Disease (2019-nCoV ARD).
Ang nasabing temporary travel ban ay partikular sa bansang China at sa special administrative regions nito tulad ng Hong Kong at Macau.
Ayon kay Tourism Sec. Bernardette Romulo-Puyat, nananatiling prayoridad ang proteksyon at kaligtasan ng mga residente malapit sa tourist spots kasama na ang mga empleyado, local at foreign visitors sa bansa.
Ipinanawagan din ni Puyat sa tourism industry na sundin ang direktiba ng pangulo hanggang hindi idinedeklara ng World Health Organization (WHO) at ng pamahalaan na ligtas nang bumyahe sa mga naturang destinasyon.
Tiniyak naman ng kalihim na hindi apektado ng 2019-nCoV outbreak ang tourist spots ng bansa kaya welcome ang mga turistang hindi kasama sa restrictions na bumisita sa Pilipinas.
