National News
Pang. Marcos, dapat patunayan sa publiko na ‘di gumagamit ng droga – FPRRD
Hindi si dating Pang. Rodrigo Duterte ang hahanap ng patunay kung positibo sa paggamit ng iligal na droga si Pang. Bongbong Marcos.
Ito ay nga matapos na hamunin ni House Speaker Martin Romualdez si dating Pang. Duterte na maglabas ng ebidensya para patunayan ang kanyang mga akusasyon sa pangulo.
Giit ni Duterte, dahil nasa gobyerno naman si Marcos, nasa kanya ngayon ang responsibilidad na patunayan na siya ay inosente.
Kamakailan nga sa isang prayer rally, tinawag ni dating Pang. Duterte si Pang. Marcos na isang drug addict at gumagamit ng cocaine.
Noong siya nga raw ay mayor pa ng Davao City, pinakitaan siya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng drug list kung saan naroon ang pangalan ng pangulo.
Hindi naman pumalag si Pangulong Marcos sa akusasyong ito pero bwelta niya, baka kaya nasasabi raw ito ni Duterte ay dahil sa fentanyl.
Pero sabi ng dating pangulo, ang fentanyl ay reseta sa kanya para maging pain reliever nang siya ay madisgrasya 8 taon na ang nakakaraan sa kanyang pangangampanya sa pagkapangulo ng bansa.
Una na ngang itinanggi ng PDEA na nasa drug list si Pangulong Marcos, taliwas sa pahayag ng dating pangulo.
Ayon naman kay Duterte natural lang na itanggi ng PDEA na kasali sa kanilang narcolist ang pangulo pero hahanapin niya raw ang listahang ipinakita sa kanya noon at ilalabas ito sa publiko.
Hirit pa ng dating pangulo, ano nga raw ba ang tunay na ginawa ni Pang. Marcos sa Germany at bakit ito pumasok sa isang rehabilitation center?
Samantala, nilinaw naman ni dating Pang. Duterte na walang anumang masamang epekto sa kanyang katawan ang fentanyl na kilalang isang synthetic opioid drug.
Pero kung ipipilit aniya ni Pang. Marcos ang isyu ng paggamit niya ng fentanyl bilang pain reliever noon ay mapipilitan rin siyang hayagang hamunin na sumailalim sa drug test ang punong ehekutibo.
