Connect with us

Panganib sa kalusugan dulot ng ash fall mula sa Mt. Bulusan, ipinapaalala sa publiko

Panganib sa kalusugan dulot ng ash fall mula sa Mt. Bulusan, ipinapaalala sa publiko

National News

Panganib sa kalusugan dulot ng ash fall mula sa Mt. Bulusan, ipinapaalala sa publiko

Nagbabala ang Office of Civil Defense (OCD) sa publiko kaugnay ng matinding panganib sa kalusugan na dulot ng makapal na ash fall, kasunod ng biglaang pagputok ng Bulkang Bulusan.

Paalala ng ahensya ang abo mula sa bulkan ay hindi lamang perwisyo kundi isang seryosong panganib, lalo na sa mga matatanda, may sakit, at sa mga may sensitibong baga.

Bilang tugon sa banta ng ash fall na maaaring makasama sa kalusugan ng mga residente, agad na nagpatupad ng health and safety measures ang Office of Civil Defense (OCD), partikular na para sa mga matatanda, may iniindang karamdaman, at mga residente sa mga apektadong komunidad.

Araw ng Lunes, naitala ang phreatic eruption sa Bulkang Bulusan sa lalawigan ng Sorsogon.

Bunsod nito, sinalanta ng ash fall ang ilang kalapit na lugar dahilan upang magsagawa ng agarang koordinasyon ang mga local at provincial government units sa pangunguna ng OCD.

Ayon kay OCD Spokesperson Director Chris Bendijo, agad nang nag-deploy ng mga face mask sa mga residente ang mga awtoridad para maprotektahan ang kanilang kalusugan mula sa abo, “Ganoon pa man, nagkaroon tayo ng request for additional complement of 10K facemasks, at ito naman po ay na-deploy na ng regional office ng Office of Civil Defense.”

Dagdag pa ni Bendijo, nagsimula na rin ang information campaign ng OCD para turuan ang mga residente sa mga alternatibong paraan ng pag-iingat.

Kabilang dito ang paggamit ng basang tela bilang pansamantalang pantakip sa ilong at bibig kung wala talagang makuhang face mask.

Mahigpit ding ipinaalala ng ahensya na kung walang mahalagang dahilan upang lumabas ng bahay, mas makabubuting manatili sa loob ng tahanan upang makaiwas sa paglanghap ng abo na lubhang mapanganib sa respiratory system.

Inihayag din ni Bendijo na naka-standby ang mga medical team sa mga provincial at local disaster risk reduction management offices, handang rumesponde sakaling may mangailangan ng agarang atensyong medikal.

Kaugnay naman sa posibleng pagtaas ng alert level, tiniyak ng OCD na may mga nakaabang nang contingency plans ang mga lokal na pamahalaan.

Sa ngayon, 2 evacuation center pa lamang ang activated, ayon kay Bendijo.

Ngunit nakipag-ugnayan na rin sila sa Department of Education (DepEd) para sa karagdagang mga pasilidad kung sakaling lumala pa ang aktibidad ng bulkan, “At present, we only have two activated evacuation centers. We have coordinated with the Department of Education in the event po na magkaroon pa ng explosion or explosive eruption ang ating Bulusan, mayroon na po tayong mga nakahandang mga puwedeng gamiting mga evacuation centers.”

More in National News

Latest News

To Top