National News
Panggigipit sa Maisug Rally sa Bustos, Bulacan, undeclared martial law – Atty. Roque
Mas malala pa sa martial law ang panunupil ngayon ng administrasyong Marcos sa malayang pamamahayag at pananalita.
Ito ang nakikita ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque kasunod ng matinding panggigipit at paghadlang sa Maisug Defend the Flag Peace Rally sa Bustos, Bulacan nitong Abril 28.
Undeclared martial law umano ang ginagawa ng administrasyon dahil wala pang deklarasyon ng martial law ay sinusipil na ang malayang pamamahayag at karapatan ng taumbayan sa pagsasagawa ng mapayapang rally.
Sabi ni Roque, takot sa katotohanan at sa lumalakas na sigaw ng taumbayan ang administrasyon kaya hinahadlangan nito ang karapatan ng taumbayan.
“Sa pamahalaan ni PBBM talagang yinurakan na po ang kalayaan ng malayang pamamahayag pananalita at pagtitipon tipon para ipahiwatig ang saloobin ng mga mammaayan. Ito ay undeclared martial law,” ayon kay former Presidential Spokesperson, Atty. Harry Roque.
Dismayado si Roque dahil imbes na linisin ni PBBM ang pangalan nila ay iniuulit nito ang kasaysayan kung saan tila bumabalik tayo sa martial law.
“Malinaw na po na ang junior ay sumusunod sa yapak ng kanyang ama na siya ay nagiging diktador at sumusupil sa karapatang pantao ng ating mga mamamayan at malinaw na kinakialangan manindigan ang bayan laban sa pagsupil ng karapatan dahil kung hindi mababalewala ang mga karapatan na ‘yan,” dagdag pa nito.
Matatandaan na Setyembre 21, 1972, nang ideklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang martial law.
Sa panahong ito, sinupil ang malayang pamamahayag kung saan maraming mamamahayag ang naaresto, dinakip, at pinarusahan dahil sa kanilang mga pananaw at pagsasalita laban sa pamahalaan.
Samantala, Nagbabala naman si Roque na puwedeng mapalayas din sa palasyo si PBBM gaya ng nangyari sa kanyang ama kung patuloy nitong uulitin ang ginawa ng diktadurang Marcos.
“Inuulit niya ang diktadura ng kanyang ama, hindi niya nalalaman pwedeng ring maulit na mapalayas siya diyan sa Palasyo dahil may hangganan ang presensiya ng taumbayan lalo na pagdating sa kanilang karapatan,” ani Roque.
