National News
Panukalang pag-amyenda sa Rice Tarrification Law, pinapasertipikahang urgent ni PBBM
Nais ngayon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sertipikahang urgent ang panukalang amyendahan ang Rice Tarrification Law (RTL) o Republic Act No. 11203.
Sa isang panayam sa ginanap na event sa Pasay City, sinabi ni Marcos na sadyang may pagtaas sa presyo ng bigas sa bansa.
Aniya, ang problemang ito ay dahil sa pagkakaroon ng kumpetisyon sa hanay ng mga trader kung saan pataasan ang mga ito ng presyuhan sa pagbili ng palay.
Kasabay nito’y iginiit ni PBBM na walang kontrol dito ang pamahalaan.
Ipinaliwanag pa ng punong-ehekutibo na maaring maimpluwensyahan o kontrolin ng gobyerno ang presyo ng bigas kung ipatutupad ang mga pagbabago sa Rice Tariffication Law partikular sa pagbili ng palay at pagbebenta ng bigas sa publiko.
Mababatid na itinutulak ni House Speaker Martin Romualdez ang pag-amyenda sa RTL para payagan ang National Food Authority (NFA) na magbenta ng bigas sa mga pamilihan.
Pero, mariing tinutulan ni Senate Committee on Agriculture Chair Cynthia Villar ang panawagan ng kamara maging ng Department of Agriculture (DA) na amyendahan ang RTL.
Ikinababahala ng senadora, na siyang may akda ng nasabing batas, na sa pag-amyenda rito ay magreresulta ito sa kurapsyon.
