National News
PAOCC, nakipag-ugnayan na sa Chinese embassy upang matukoy ang pagkakakilanlan ng 8 suspek sa POGO hub sa Tarlac
Aabot sa mahigit 800 indibidwal ang nahuli ng mga otoridad matapos ang ginawang raid sa isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Tarlac.
Sa bisa ng search warrant na inilabas ni Bulacan Executive Judge Hermenegildo Dumlao, 1:30 ng madaling araw ng Miyerkules, March 14, pinasok ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines ang compound ng Zuan Yuan Technology Inc. sa Barangay Anupul sa bayan ng Bamban Tarlac.
Ang sinalakay na compound ay mayroong halos 40 gusali at may lawak na 10 ektarya.
Ayon kay PAOCC Executive Director Usec. Gilbert Cruz, sinalakay nila ang malawak na POGO hub matapos silang makatanggap ng reklamo laban dito mula sa isang Vietnamese national na nakatakas mula sa nabanggit na pasilidad noong Feb 28.
Habang 1 Malaysian national naman ang humingi din ng tulong sa PAOCC dahil sapilitan umano itong kinulong sa naturang compound.
“Kung bakit nagkaroon tayo ng raid dito sa Tarlac sa Bamban ang pinagmulan nito ang Vietnamese na na-rescue natin and then after rescuing ‘yung Vietnamese nakunan natin siya ng statement it turned out biktima din siya ng pananakit sa POGO na ito.”
“After few days na kinukunan natin siya ng statement sumulat naman sa amin ‘yung Malaysian embassy telling us same modus operandi ang nangyari sa kababayan nila na Malaysian,” ayon kay PAOCC, Executive Director, Usec. Gilbert Cruz.
Base sa resulta ng paunang imbestigasyon ng mga otoridad sa nasabing compound sinabi ni Usec. Cruz sapilitan na pinagta-trabaho ang mga biktima na pawang mga dayuhan.
Kinukuha din aniya ng mga tinatawag na enforcers ang mga passport ng mga ito upang hindi basta-basta na makaalis sa POBO hub.
“Tinanggalan nila ng passport para ma-control sila magkaroon sila ng leverage para ito hindi makaalis sa kanila.”
“Talagang dinedeprived nila ng tulog kinukulong nila sa isang kwarto para mapilitang magbayad doon sa utang nila o kaya ay sumunod doon sa kagustuhan ng mga enforcers,” dagdag pa nito.
Sa compound din aniya ginagawa ang ibat-ibang scam.
“Sa ngayon ‘yung illegal activities na ginagawa nila like itong mga workers na ito ina-allow nila na mag work ng walang kaukulang dokumento kasi ‘yung mga foreigners na nakita po natin sa loob nakita po natin na walang mga passports.”
“Yung mga computers po na nandun tinanong po natin ‘yung mga narescue po natin it turned out na meron po itong love scam sa loob may romance scam merong crypto currency scams and others scam activities dito po sa POGO hub na ito,” ani Usec. Gilbert Cruz.
Dagdag pa dito may nakita rin silang sinyales ng torture sa ilan sa mga biktima.
“Meron tayong isang victim na may evident na may torture signs sa katawan may mga biktima ng torture,” saad pa nito.
Samantala, sa nasabing bilang ng mga nahuli na nagta-trabaho sa nabanggit na POGO hub, 383 rito ay mga Pilipino 275 naman ang foreign nationals na binubuo ng 202 Chinese nationals, 13 Malaysians, 54 Vietnamese nationals, 1 Taiwanese national, 2 Indonesian, 2 Rwandan at 1 Kyrgyzstan.
Ngunit nilinaw ng PAOCC na ang mga nahuling Pilipino ay hindi sangkot sa mga iligal na aktibidad ng nasabing POGO.
“Yung iba naman jan mga security guards nagbibigay ng security sa POGO ‘yung iba ‘yung naglalaba ng damit nila ‘yung iba nagpapakain ‘yung nagluluto sa kitchen so karamihan dun mga Pilipino,” pahayag pa ni Usec. Cruz.
Kasong human trafficking at serious illegal detention ang isasampa ng mga otoridad laban sa 8 suspeks na nahuli habang tinitignan din nila ang posibilidad na dumami pa ang mga biktima.
“Magfa-file tayo ng kasong human trafficking and serious illegal detention actually we already identified those victims and those perpetrators.”
“Meron tayong mga 8 na suspek na tinuturo and were still looking for more victims to come out para magturo narin kung sino lang involve dito sa pananakit sa pagpigil sa kanila sa loob ng mga POGO hubs na ito,” ani Usec. Cruz.
Sa ngayon nakikipag-ugnayan na ang mga otoridad ng Pilipinas sa Chinese embassy para sa pagkakakilanlan ng 8 suspeks na nasa kostudiya na ng Inter-Agency Task Force.
At magha-hain din ng panibagong search warrant ang PAOCC upang masuri ang mga ginamit na mga computers na ginamit sa pangloloko.
![](https://dzar1026.ph/wp-content/uploads/2024/05/logo-radio-1.jpg)