National News
Party Issue sa CONA ni Pastor Apollo Quiboloy, ‘di basehan para sa COC cancellation
Walang nakikitang problema ang Commission on Elections (COMELEC) sa inihaing Certificates of Candidacies (COC) at Certificate of Nominations and Acceptance (CONA) ng senatorial aspirant na si Pastor Apollo C. Quiboloy sa ilalim ng Workers and Peasants Party o WPP.
Ayon kay COMELEC Chairman George Garcia, ang CONA ni Pastor Apollo ay nilagdaan ng authorized signatory ng isang paksyon ng workers ng WPP na Tolentino Wing sa pamamagitan ni Mark Christopher Tolentino.
Ang gagawin ngayon ng Comelec ay reresolbahin kung saan sa dalawang paksyon ng partido ang lehitimong WPP kung saan ang isang paksyon nito na Arias Wing ay itinangging nilagdaan nila ang kandidatura ni Pastor Apollo.
Nakapagsumite na rin ang dalawang paksyon ng dokumento na sila ay authorized signatory.
Kung hindi man ang paksyon ng Tolentino Wing ang idedeklarang lehitimo ng komisyon, ay maidedeklara lamang independent candidate si Pastor Apollo at hindi ito ground para sa kanselasyon ng kaniyang COC.
Isinasantabi din ni Garcia, ang isyu ng perjury o pagsisinungaling sa isinumiteng CONA ni Pastor Apollo.
‘Di rin aniya ground for cancellation kung ang issue ay dahil lamang sa kaniyang CONA.
“Kung ang problema lang naman ay CONA, I doubt po. Ang may final say kami,” ani Garcia.