National News
Pastor ACQ, SUMUKO at hindi inaresto– Atty. Torreon
BOLUNTARYONG SUMUKO si Pastor Apollo C. Quiboloy kasama ang apat na kapwa akusado nito.
Ayon sa legal counsel ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Atty. Israelito Torreon, ang pahayag na ito ay taliwas sa ipinakakalat na balita ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na nahuli ng otoridad si Pastor ACQ.
Ayon sa abogado, piniling sumuko ni Pastor Apollo dahil sa hindi na niya makayanan ang pagpapahirap na dinaranas ng kanyang mga miyembro sa kamay ng mga pulis.
Mayroon din siyang natanggap na intel report na huhulihin at sasaktan ang KOJC members at missionaries.
Sinabi rin ni Atty. Torreon na hindi nanatili si Pastor Apollo sa KOJC religious compound sa loob ng dalawang linggong pagkubkob dito ng kapulisan.
Taliwas ito sa ilang beses na pinaninindigan ng Philippine National Police (PNP) na si Pastor Apollo ay nasa isang underground bunker sa loob ng nasabing KOJC religious compound
Samantala, sinabi na rin ni Torreon na nagdesisyon si Pastor Apollo na sumuko sa Armed Forces of the Philippines (AFP) dahil may tiwala siya sa mga ito.
Matapos sumuko ni Pastor Apollo at ang apat na iba pa niyang kapwa akusado ay agad silang dinala sa PNP Custodial Center sa Camp Crame nitong linggo ng gabi, Setyembre 8, 2024.