National News
Patuloy na paglilipana ng text scams, nais imbestigahan ni Senator Grace Poe
Nais paimbestigahan ni Senator Grace Poe ang patuloy na paglilipana ng text scams.
Ito’y sa kabila ng implementasyon sa buong bansa ng SIM Registration Act.
Sa inihaing resolusyon ng senadora, nais nitong masiguro na maipatupad ang pangunahing layunin ng batas.
Ipinunto ni Poe ang mga nasamsam ng mga awtoridad na SIM cards na pinaniniwalaang ginagamit sa iligal na operasyon.
Una rito sa isinagawang raid sa isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Las Piñas City kung saan nasamsam ang mahigit sa 80-K SIM cards.
At nitong Agosto 2, nasamsam sa isang POGO hub sa Pasay City ang 28-K rehistradong SIM cards.
Matatandaan na tinapos na ng pamahalaan ang registration ng SIM card noong July 25.
Ang SIM Registration Act o ang Republic Act 11934 na naisabatas noong September 13, 2022, ay layong mapigilan ang paglilipana ng mga scam sa pamamagitan ng text at online messages maging ang iba pang aktibidad tulad ng trolling, cyber bullying at pagpapakalat ng disinformation at nakapipinsalang mga content.
