Regional
PBBM, bumisita sa WESMINCOM sa Zamboanga City
Binisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang bagong itinayong Camp Navarro General Hospital (CNGH) building sa Zamboanga City nitong Huwebes, Mayo 9.
Kasabay nito’y nagbigay ang Office of the President (OP) ng P80.9-M donasyon para mapabuti pa ang serbisyo ng pasilidad.
Ang tseke ay tinanggap ni Camp Navarro General Hospital chief Lt. Col. Giovanni Falcatan.
Ipinagkaloob ang donasyon habang iniinspeksyon ni Marcos ang bagong itinayong gusali sa Western Mindanao Command (WESMINCOM) medical facility.
Ang P80.9-M donasyon ay gagamitin para sa pagbili ng mga kagamitan para sa operating room, diagnostics, ward, physical therapy, at iba pang kagamitan ng ospital.
Itinayo ang Camp Navarro General Hospital noong 1975 na matatagpuan sa Upper Calarian, WESMINCOM, Zamboanga City, Zamboanga del Sur.
Ang CNGH ay isang 50 hanggang 100-bed capacity na infirmary-level na ospital.
Ito ay nagbibigay ng serbisyo sa mga sundalo, dependent, at awtorisadong sibilyan na nangangailangan ng mga serbisyong medikal, surgical, at pediatric sa lugar ng operasyon ng WESMINCOM.
Ang pagtatayo ng ospital ay pinondohan sa pamamagitan ng programang ‘Tatag ng Imprastraktura para sa Kapayapaan at Seguridad (TIKAS), isang convergence project ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ng Department of National Defense (DND).
Ngayong araw naman ay nagtungo si Marcos sa Sultan Kudarat at General Santos City.
