National News
PBBM, dumating na sa Estados Unidos para sa nakatakdang trilateral meeting
Dumating na sa Estados Unidos si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Miyerkules ng gabi, ika-10 ng Abril sa Joint Base Andrews sa Maryland.
Mainit na tinanggap ang pangulo ng mga opisyal ng Embahada ng Pilipinas at ilang opisyal ng Amerika.
Nasa Washington si Pang. Marcos para sa 2 araw na working visit nito partikular na sa gaganaping trilateral meeting kasama sina US President Joe Biden at Japanese Prime Minister Fumio Kishida upang mapalakas lalo ang relasyon ng 3 bansa sa usapin ng ekonomiya at maritime cooperation.
Inaasahang gaganapin ang kauna-unahaang trilateral leaders’ summit sa White House ngayong Huwebes, Abril 11.
Una nang nilinaw ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ang nasabing trilateral meeting ay hindi nakatutok sa anumang bansa, bagamat kinumpirma ng pamahalaan na kasama sa agenda ng summit ang issue sa alitan sa West Philippines Sea (WPS).
Samantala, inaasahan din na magkakaroon ng pagpupulong ang punong ehekutibo sa Estados Unidos sa ilang malalaking negosyante na layong mapalakas ang ugnayan ng bansa sa usapin ng critical infrastructure, semiconductors, digitalization at cybersecurity.
Magkakaroon din ng pagpupulong ang pangulo sa isa sa malaking kumpanya sa Estados Unidos sa usapin ng nuclear energy kung saan makakausap nito ang mga opisyal ng Ultra Safe.
Ang Ultra Safe ay isa sa pinakamalaking supplier ng small nodular nuclear power plants.
Samantala, ibinahagi ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez na nakikita nitong nasa $100-B ang posibleng makuhang investment deals ng Pangulong Marcos kasunod ng hakbang na ginagawa ng economic managers nito.
Pero paglilinaw ni Ambassador Romualdez na ang nasabing target ay maaaring maisakatuparan sa loob ng 5-10 taon.
Mananatili sa Washington hanggang April 13, ang pangulo at Philippine delegation bago bumalik sa Pilipinas.
