National News
PBBM, inaming napo-politika ang PI
Inamin ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na napopolitika ang people’s initiative (PI) bilang paraan tungo sa pagkakaroon ng Charter Change (Cha-Cha).
Sinabi ng pangulo, ito ang dahilan kung bakit hiniling niya sa Kamara at Senado maging sa ilang indibidwal na may malawak na kaalaman sa usapin na gumawa ng solusyon upang maiwasan ang kontrobersya.
Partikular na aayusin ani PBBM ang mapanatiling magkahiwalay na boboto ang Kamara at Senado para sa anumang pagbabago na gagawin sa 1987 Constitution.
Kung sisilipin, sa PI ay magkakaroon ng joint voting ang Kamara at Senado.
Sa panig ng mga senador, madedehado sila kung ikukumpara sa mahigit 300 mambabatas sa mababang kapulungan kung kaya’t tutol sila sa prosesong ito.
Binigyang linaw naman ni Sen. Bato Dela Rosa na kaisa ang Senado sa nagnanais na mabago ang kasalukuyang konstitusyon ngunit hindi sa pamamagitan nito.
