National News
PBBM, Ipinag-utos ang patuloy na relief efforts at pagmomonitor sa mga lugar na tinamaan ng lindol
Patuloy na tinututukan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang sitwasyon sa mga lugar na tinaman ng lindol, partikular ang Sarangani Province.
Ang naturang pahayag ay sa gitna ng ‘virtual meeting’ ni PBBM sa mga opisyal ng gobyerno habang siya ay nasa Hawaii.
Inutusan ni Pangulong Marcos ang concerned agencies na ipagpatuloy ang relief operations sa mga apektadong pamilya.
Kabilang sa dumalo sa pulong sina Defense Secretary Gilbert Teodoro; Health Secretary Teodoro Herbosa; Social Welfare Undersecretary Edu Punay; Office of Civil Defense (OCD) Undersecretary Ariel Nepomuceno at iba pang opisyal ng gobyerno.
Ipinag-utos din ng pangulo sa mga opisyal na tiyakin ang kaligtasan ng mga residente sa mga lugar na tinamaan ng lindol.
Batid naman ng punong ehekutibo ang pagkalat ng “fake news” hinggil sa umano’y tsunami na tumama sa rehiyon, gayunpaman, binigyang diin pa rin nito ang kahalagahan na maging mas mapagmatyag.
Inihayag ni Pangulong Marcos na regular siyang makikipagpulong sa mga opisyal ng gobyerno upang makakuha ng mga update sa sitwasyon sa mga lugar na nasalanta ng lindol.
Sa kabilang dako, Inalala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang mga Pilipino at Filipino-American na namatay sa wildfire noong Agosto na naganap sa Maui, Hawaii.
Nabanggit ito ni PBBM sa isang talumpati sa kanyang pakikipagkita sa Filipino community sa Honolulu.
Base sa ulat ng mga awtoridad ng US, umabot sa 106 ang bilang ng mga indibidwal na namatay sa kakila-kilabot na wildfire na tumama sa isang bayan sa Hawaii noong Agosto 15.
Sa kanyang mensahe, sinabi rin ni Marcos na tunay niyang pinahahalagahan ang pakikipagkita sa mga Pilipino sa Hawaii upang ipagdiwang ang malapit na koneksyon ng Pilipinas sa island state.
Sa 25% ng populasyon ng Estado ng Hawaii na nag-ugat sa Pilipinas, ani PBBM, ang mayaman at magkakaibang kultura ng Pilipinas ay naging malalim na magkakaugnay sa Hawaiian culture.
Pinuri rin ni Marcos ang mga Pinoy sa Hawaii sa pagbibigay sa Pilipinas ng napakapositibong imahe sa nasabing estado.
Dumating ang pangulo sa Honolulu para sa isang working visit sa US Pacific territory, matapos dumalo sa APEC Economic Leaders’ Meeting sa San Francisco, California at isang short visit sa Los Angeles para sa pagbisita rin sa mga Pilipino roon.
