Connect with us

PBBM, kinondena ang pagpatay sa isang radio broadcaster sa Misamis Occidental

PBBM, kinondena ang pagpatay sa isang radio broadcaster sa Misamis Occidental

National News

PBBM, kinondena ang pagpatay sa isang radio broadcaster sa Misamis Occidental

Mariing kinokondena ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpatay sa broadcaster na si Juan Jumalon, o mas kilala bilang si “Johnny Walker” sa Calamba, Misamis Occidental nitong Linggo ng umaga, ika-5 ng Nobyembre.

Sa inilabas na statement ng Presidential Communications Office (PCO), walang lugar sa isang demokratikong bansa ang ganitong walang kabihasnang pag-atake sa mamamahayag.

Kaugnay dito, ipinag-utos ni Pangulong Marcos sa Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng masusing imbestigasyon upang mahuli at mapanagot ang sino mang nasa likod ng karumaldumal na krimen.

Nagpaabot naman ng pakikiramay ang pamahalaan sa pamilya at mga kaanak ni Johnny Walker.

Kasabay nito, tiniyak ng pangulo na masusing tututukan ng gobyerno ang takbo ng pagsisiyasat sa naturang crime incident upang mabigyan ng hustisya ang pagkapaslang sa nabanggit na mamamahayag.

Samantala, nanawagan din ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) sa PNP para sa agarang pag-activate ng special investigation task group (SITG) matapos pagbabarilin ang isang radio news anchor sa loob ng kanyang radio booth.

Nanawagan si PTFoMS Executive Director Usec. Paul Gutierrez sa Negros Occidental Police Office na agad na buuin ang kanilang SITG upang imbestigahan ang insidenteng ito at hulihin ang suspek at iba pang posibleng sangkot sa krimen.

Inalerto din ni Gutierrez ang National Bureau of Investigation (NBI), na bahagi rin ng PTFoMS na simulan na rin ang pangangalap ng ebidensya bilang suporta sa isinasagawang imbestigasyon para mapabilis ang pagresolba nito.

Sa isang video clip ng insidente na naging viral, makikita si Jumalon na 2 beses na binaril ng suspek na hinablot din ang kanyang kwintas bago tumakas sa pinangyarihan ng krimen

Si Jumalon na 57 anyos, ay isang Broadcaster/Station Manager ng 94.7 Calamba Gold FM sa Misamis Occidental.

Mababatid na idineklarang dead on arrival (DOA) si Jumalon sa Calamba District Hospital.

More in National News

Latest News

To Top