Connect with us

PBBM, lilipad patungong Indonesia para sa ASEAN Summit

PBBM, lilipad patungong Indonesia para sa ASEAN Summit

National News

PBBM, lilipad patungong Indonesia para sa ASEAN Summit

Nakatakdang bumiyahe ngayong araw, ika-4 ng Setyembre si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. papuntang Indonesia para sa kanyang pagdalo sa 43rd ASEAN Summit sa Jakarta simula September 5-7.

Una nang nabanggit ni Foreign Affairs Assistant Secretary Daniel Espiritu ng Office of ASEAN Affairs na patuloy na itataguyod ni Pangulong Marcos Jr. ang interes ng Pilipinas sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

Kabilang sa bibigyang-diin ni PBBM ang mga adbokasiya sa pagpapalakas ng seguridad sa pagkain at enerhiya, gayundin ang potensyal sa digital at creative industries at Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs).

Patuloy ding bibigyang-diin ng pangulo ang mga pagsisikap na protektahan ang mga migranteng manggagawa sa sitwasyon ng krisis gayundin ang paglaban sa human trafficking lalo na sa paggamit o pang-aabuso ng teknolohiya.

Inihayag din ng Department of Foreign Affairs (DFA) official na patuloy na isusulong ng pangulo ang isang rules-based international order kabilang ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), lalo na sa West Philippine Sea (WPS).

Aniya, ang Pilipinas ay patuloy na itataguyod at gagamitin ang kalayaan sa paglalayag at overflight patungo sa WPS alinsunod sa international law.

Inaasahang tatalakayin din ng mga pinuno ang iba’t ibang mga internasyonal na isyu na nakaaapekto sa rehiyon.

Kabilang dito ang sitwasyon ng Myanmar, ang Ukraine-Russia conflict, gayundin ang geopolitical rivalries sa Indo-Pacific region.

Sa kabuuan, kasama sa inaasahang dadaluhan ni Pangulong Marcos ang 13 leaders’ level engagements.

Kabilang dito ang 43rd ASEAN Summit Plenary Session, opening ceremony ng ASEAN Indo-Pacific Forum at ang 43rd ASEAN Summit Retreat Session, ang 26th ASEAN-China Summit, 24th ASEAN-Republic of Korea Summit, 26th ASEAN-Japan Summit, 26th ASEAN Plus Three Summit and ASEAN-US Summit, at ang ASEAN-Canada Summit.

Dadaluhan din ni PBBM ang 20th ASEAN-India Summit, 18th East Asia Summit, 3rd ASEAN-Australia Summit at ang 30th ASEAN-UN Summit.

Ang 43rd Summit and Related Summits, na may temang, “ASEAN Matters: Epicentrum of Growth,” ay magtatapos sa Setyembre 7, sa pamamagitan ng handover ceremony ng ASEAN Chairmanship sa Lao People’s Democratic Republic, mula Indonesia.

Bukod sa pagdalo sa summit, magkakaroon din ng bilateral meetings ang pangulo kasama ang iba pang ASEAN leaders at iba pang world leaders na dadalo sa summit.

More in National News

Latest News

To Top