National News
PBBM, nakipagpulong sa 2 kumpanya mula US para sa pagtatatag ng 2 hyperscale data center sa Luzon
Nakipagpulong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ENDEC Development Corporation at Diode Ventures nitong Huwebes, March 2.
Layon ng pulong na alamin ang estado ng planong sa Luzon.
Ikinatuwa ni Pangulong Marcos ang mga pahayag at planong gagawin ng mga naturang kumpanya mula sa Estados Unidos lalo na’t magiging bahagi ito ng digitalisasyon ng pamahalaan.
Mababatid na ang naturang usapin ay resulta ng isang produktibong roundtable discussion sa New York noong Setyembre ng nakaraang taon.
Ang ENDEC Development Corp., na pinamumunuan ni ENDECGROUP, Inc. Managing Director William Johnson, ay ipinaalam sa pangulo ang katayuan ng mga iminungkahing Hyperscale Data Center Projects nito sa Pilipinas.
Ipinabatid din ng naturang kumpanya sa pangulo ang kanilang patuloy na negosasyon para magtayo ng hyperscale data centers sa Tarlac at New Clark City.
Sinabi ng ENDEC na nakatuon ito sa pagsisimula ng proyekto sa unang quarter ng 2024.
Makikipagtulungan din ito sa isang lokal na kumpanya ng renewable energy (RE) para sa electricity requirements nito upang suportahan ang energy-intensive data center operations.
Saad pa ng nasabing kumpanya, gagamit ito ng 100 porsiyentong renewable energy na mula sa solar, wind at hydro upang mapanatili ang 700 MW buwanang paggamit ng kuryente nito sa mga data center nito.
Noong Setyembre 22 noong nakaraang taon, sumali ang ENDECGROUP, Inc. at Diode Ventures, limited liability company (LLC) sa roundtable meeting sa digital infrastructure sa pagbisita ni Pangulong Marcos sa New York, USA.
Ang ENDEC Development Corp., isang subsidiary ng ENDECGROUP, Inc., ang pangunahing developer ng mga proyekto.
Ang Diode Ventures, LLC, isang subsidiary ng global company na Black & Veatch (BV), ay ang development partner ng ENDEC Development Corp.
Ang kumpanyang ito na itinatag noong 2017, ay dalubhasa sa pagdevelop ng data centers at renewable energy projects.