Connect with us

PBBM sa relasyon niya sa pamilya Duterte: “Complicated”

PBBM sa relasyon niya sa pamilya Duterte: "Complicated"

National News

PBBM sa relasyon niya sa pamilya Duterte: “Complicated”

Complicated kung ilarawan ni Pangulong Bongbong Marcos ang relasyon niya ngayon sa pamilya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang sagot ni Marcos matapos siyang matanong tungkol sa relasyon nila ng mga Duterte sa ginanap na Presidential Forum ng Foreign Correspondents Association of the Philippines nitong Lunes, ika-15 ng Abril.

Natanong din si Marcos kung paano nila itutuloy ang alyansa nila ni VP Sara gayong hayagan ang pagbatikos ng pamilya nito sa polisiya ng administrasyon.

Sabi ni Marcos na tulad noong kampanya, wala pa rin naman daw’ng nagbabago sa relasyon nila ni VP Sara.

“The one, of course, that I have the most contact with is Inday Sara and how we’re with each other during the campaign. After the election, it hasn’t really changed,” ayon kay Pres. Ferdinand Marcos, Jr.

Madalas din daw niyang kinukumusta ang bise presidente kung ayos lang ba ito sa gitna ng pagka-ipit sa mga nangyayari.

Tanging sagot lang aniya ni VP Sara…

“I said, ‘Oh, are you all right na you’re in the middle of all of these? ‘She says, ‘No, I’ll just work. Don’t worry about it. I’ll just work and work and work and work.’ That’s her attitude,” saad pa nito.

Sa isang pagtitipon sa Tagum, Davao del Norte nitong araw ng Linggo, Abril 14, sinabihan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na nais ni Marcos na magtagal sa posisyon sa pamamagitan ng isinusulong na Charter Change (Cha-Cha).

Pinayuhan pa ni FPRRD si Marcos Jr. na makontento na sa 6 na taong termino.

Samantala, kasama rin sa mainit na isyu sa pagitan ni Marcos at FPRRD ang patungkol sa sinasabing ‘gentleman’s agreement’ o ‘secret agreement’ kaugnay ng West Philippine Sea (WPS).

Sa Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP) forum, sinabi ni Marcos na kung alam lang daw niya noong nakaraang taon pa na mayroong secret agreement, ay hindi siya nagdalawang-isip na bawiin ang kasunduang ito.

Nang tanungin kung paano niya balak na papanagutin si Pangulong Duterte hinggil dito, sinabi ni Marcos na kailangang alamin muna ng gobyerno kung ano ang kasunduang ito.

Gayunman, sinabi ni BBM na hindi niya ito nakikita bilang isang pananagutan laban kay FPRRD sa ngayon dahil hindi pa niya nakikita ang sinasabing actual agreement.

Pahayag ni Marcos, gusto niyang makita ang dokumento ukol dito.

Sa press conference sa Davao City kamakailan, sinagot ni dating Pangulong Duterte ang isyung ito.

Itinanggi ni FPRRD ang umanoy secret agreement at iginiit na walang sinuman sa Pilipinas ngayon, maging sa Korte Suprema, Panguluhan, o Kongreso, ang maaaring pumayag sa anumang bagay tungkol sa mga teritoryo.

“But let me be very clear on this, we have not conceded anything to China. There might have been exchange of control over the China Sea, pero those were really territorial in nature not involving the encroachment of China in our exclusive economic zone, iba ‘yun,” ayon naman kay dating pangulo ng Pilipinas, Rodrigo Roa Duterte.

Naunang sinabi ni Atty. Harry Roque, dating tapagsalita ni FPRRD na napag-kasunduan nila noon kay Chinese President Xi Jinping ang pagkakaroon ng status quo sa pinag-aagawang teritoryo.

Ibig sabihin, papayagan ang re-supply mission sa Ayungin Shoal basta’t hindi lang magdadala ng repair materials para ayusin ang BRP Sierra Madre.

“The only thing I remember was that status quo, that’s the word na walang galawan, no movement, no arm patrols there, as is where is para walang magkagulo,” saad pa ni Duterte.

Nilinaw din ni FPRRD na kapag ang concern ay patungkol sa national security, ay hindi ito sinesekreto.

Dagdag pa ng dating presidente, Hindi rin siya nagdedesisyon nang mag-isa, bagkus, tinatawag niya ang National Security Council (NSC).

Sa kabilang banda, nabanggit din ni Marcos sa FOCAP forum na walang plano ang Pilipinas na magbigay ng access sa Estados Unidos sa mas maraming base militar sa bansa sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Itinanggi rin ni BBM na ang 9 na military installation ng bansa na itinalaga bilang EDCA sites ang nag-trigger ng agresyon ng China sa West Philippine Sea (WPS).

More in National News

Latest News

To Top