National News
PCG, naka-full alert status simula Mayo 9 –13 para sa nalalapit na halalan
Kaugnay ng nalalapit na halalan sa susunod na linggo, naka-full alert status na ang Philippine Coast Guard (PCG) simula May 9 – 13.
Tiniyak naman ng PCG ang kanilang buong suporta sa Commission on Election (COMELEC) upang masiguro ang maayos at mapayapang National and Local Elections, lalo na sa mga coastal provinces at island municipalities.
Puspusan na ang paghahanda ng Philippine Coast Guard para sa nalalapit na halalan.
Dahil inaasahan ang pagdagsa ng mga pasaherong uuwi sa kani-kanilang probinsya ngayong weekend, mas pinaigting pa ng PCG ang kanilang seguridad at monitoring sa mga pantalan at baybaying-dagat ng bansa.
Ayon kay PCG Spokesperson Captain Noemie Cayabyab, naka-full alert status na ang buong hanay ng PCG, kasama ang 34,343 personnel simula nitong Biyernes, May 9, – Martes, May 13, “Kaya naman naglagay tayo ng K9 dogs …at sa ating pantalan.”
Dagdag pa ni Cayabyab, naka-activate na ang Oplan Biyaheng Ayos kung saan naka-standby na ang lahat ng kanilang mga station, substation, at coast guard base sa buong bansa.
Naka-deploy na rin nang 24/7 ang operating units at assets ng PCG sa mga pantalan at mga distrito upang agad na makaresponde sa anumang insidente.
Bilang bahagi ng seguridad, naka-activate na rin ang kanilang Deployable Response Team kasama ang medical personnel na handang magbigay ng rapid at emergency response sakaling magkaroon ng insidente sa karagatan.
Buong pwersa rin ang Philippine Coast Guard sa pagsasagawa ng search and rescue operations kung kinakailangan, “Nakahanda rin ang ating floating assets at land assets… election officers.”
Bukod dito, naglagay rin ang PCG ng Malasakit Help Desk o Passenger Assistance Desk sa lahat ng pantalan upang masiguro ang kaligtasan at kaayusan ng mga pasahero.
Kasabay ng inaasahang pagdami ng mga pasahero sa mga sasakyang-pandagat, magtatalaga rin ng Sea Marshalls ang PCG upang masigurong ligtas ang bawat biyahe, lalo na sa mga long-haul trips.
Pinaiigting din ng Philippine Coast Guard ang compliance monitoring upang matiyak na ang bawat barko ay sumusunod sa mga patakaran bago payagang maglayag, “Nagco-conduct tayo ng pre-departure …and local government units.”
Sa National Capital Region, patuloy naman ang isinasagawang maritime patrol operation partikular sa Manila Bay, Pasig River, at iba pang mga katubigan na nakapalibot sa rehiyon.
Bilang karagdagang seguridad, nag-deploy din ang PCG ng mga Coast Guard Working Dogs sa MRT at LRT stations, pati na rin sa ilang electoral precincts sa Metro Manila upang masiguro ang kaligtasan ng publiko.
