National News
PCG, tiniyak ang ligtas na biyahe sa Semana Santa; Publiko, pinag-iingat sa heat-related illness
Kasabay ng pagtiyak na magiging ligtas ang mga biyahe ngayong Semana Santa, walang namo-monitor ang Philippine Coast Guard (PCG) na mga barko na hindi naabot ang safety standard.
Sa kabilang dako, nakataas ang ‘Code White Alert’ sa mga ospital hanggang ika-20 ng Abril bilang paghahanda para sa agarang pagresponde sa mga posibleng aksidente o iba pang health-related incidents ngayong Holy Week.
Isinailalim ng Department of Health (DOH) sa ‘Code White Alert’ ang mga ospital at mga health facility mula Abril ika-13 – Abril ika-20.
Ito’y bilang paghahanda sa posibleng aksidente, pagkakasakit, heat stroke at iba pang health-related incidents ngayong Semana Santa.
Ibig sabihin, nakahanda ang mga ito sa pagtugon sa anumang uri ng emergency at pagbibigay ng mahahalagang serbisyong pangkalusugan.
Kasabay nito, nagbabala si DOH Secretary Ted Herbosa kaugnay ng mga heat-related illness na dulot ng matinding init ng panahon ngayong Holy Week, “So usually, if it’s heat-related illness, it starts with either thirst, very severe thirst tapos you can have a lot of cold sweats, and then eventually kapag hindi mo nakorek iyon, magko-collapse ka.”
Dagdag pa ni DOH Secretary Ted Herbosa, “If you’re thirsty, you drink plenty of water. If you feel weak, a fatigue, ang tinatawag na next step after thirst is iyong heat fatigue or heat weaknesses, mag-shade ka na or mag-aircon ka na – so very important.”
Ibinahagi pa ni Herbosa na mayorya ng mga heat illness, nagre-recover basta maagang nalunasan.
Partikular naman na pinag-iingat ng health chief ay ang mga bata’t matatanda, “We do not wait for them na mag-collapse. Kasi kapag nag-collapse ka, sa emergency ang tuloy mo. We will have to treat you in emergency setting. Prone iyong mga matatanda at mga bata at iyong mga may illness, so make sure these people don’t stay [unclear] in hot environment.”
Kaugnay pa rin sa Semana Santa, inihayag ng PCG na wala silang namo-monitor na mga barko na hindi naabot ang safety standard.
Sinabi ni PCG Deputy Spokesperson, Commander Michael John Encina, sa katunayan, bago sila magsagawa ng kanilang mga biyahe, tinitiyak nila na mayroong mga tauhan ng Coast Guard na nakatalaga para isagawa ang pre-departure inspection, “Once na hindi po sila mabigyan o ma-provide-an ng clearances ng Coast Guard, their company will be alerted to renew their pertinent documents prior to that.”
Una nang binigyan ng direktiba ang PCG pati ang Philippine Ports Authority (PPA) at Maritime Industry Authority (MIA) na istriktong ipatupad at tiyakin na walang overloading sa mga barkong naglalayag.
Ayon kay PCG Deputy Spokesperson, Commander Michael John Encina, “So hindi po natin hinahayaan, partikular kami po sa Philippine Coast Guard ang any acts of overloading both in passenger and cargo. So, hindi lang po natin tsine-check iyong mga pasahero, figures kung ilan po dapat ang sumasakay sa ating mga barko, partikular at gayon na rin po itong ating mga kargamento na nilo-load, kasi it doesn’t exempt them for this overloading issue po natin.”
Mahigpit din ang koordinasyon ng PCG sa mga shipping owner.
Kasabay nito’y nanawagan ang coast guard sa kanila na huwag samantalahin ang pagkakataong ito.
Giit ni Encina, oras na mayroon silang ma-obserbahan na overloading vehicles o overloading ships, hindi nila kukunsintihin o papayagan ang mga ito na bumiyahe.
Mababatid na naka-heightened alert ang PCG mula pa noong Abril a-13 kung saan nag-deploy sila ng 17K Coast Guard personnel para magsagawa ng pre-departure inspection at inspeksyonan din ang mga resort.
Mayroon ding isinasagawang K-9 panellings ng mga K-9 na aso habang nag-deploy naman sila ng mga Coast Guard Auxiliaries sa Malasakit Help Desk na makikita sa mga pangunahing pantalan sa buong bansa.
