National News
PCO, PIA at OPAPRU, lumagda ng kasunduan para palakasin ang peace efforts ng gobyerno
Lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang Presidential Communications Office (PCO), Philippine Information Agency (PIA), at ang Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) sa layuning epektibong maipalaganap ang mga pagsisikap ng pamahalaan na makamit ang kapayapaan sa bansa.
Sa kanyang talumpati sa MOA signing ceremony sa Pasay City, binigyang-diin ni PCO Secretary Cheloy Velicaria-Garafil ang kahalagahan ng epektibong komunikasyon bilang catalyst para sa pagbabago, partikular sa conflict-affected areas sa bansa.
Sinabi ni Garafil na nakatuon sila sa pagkontra sa maling impormasyon at paggawa ng mga salaysay na nagbibigay-inspirasyon, nagtuturo, at nagpapasigla sa mamamayan.
Nagpahayag naman ng pag-asa ang kalihim na ang nasabing partnership ay magbibigay ng determinasyon sa mga dating rebelde at kanilang mga pamilya habang isinama sila sa kani-kanilang mga komunidad at maging produktibong miyembro muli ng lipunan.
Dumalo sa naturang event sina OPAPRU Secretary Carlito Galvez Jr. at PIA Director General Jose Torres Jr.
Sa ilalim ng MOA, ang PCO, na siya ring co-lead agency ng Strategic Communications Cluster ng National Task Force to End Local Communist Armed Group (NTF-ELCAC), ay bubuo at magpapatupad ng komprehensibong strategic communications plan kasama ng OPAPRU at PIA.
Kasama rin sa mga responsibilidad nito ang pagbuo, pagkonsepto, at pag-produce ng Information Education Communication (IEC) material; at pagtatatag ng online presence ng local peace engagements (LPE) at transformation program (TP) ng OPAPRU gamit ang PCO at ang mga digital asset ng attached agencies nito.
Ang PIA, na isang attached agency ng PCO, ay magsisilbing information network ng gobyerno sa pag-abot sa grassroots level.
Ito’y dahil ito rin ang nangunguna sa media orientation workshops sa mga target na rehiyon sa bansa at gumagawa ng baseline survey reports.
Para sa partnership na ito, bubuo at ipatutupad ng OPAPRU ang komprehensibong plano sa estratehikong komunikasyon upang maisakatuparan ang LPE at TP sa tulong ng PCO at ng PIA.
Magsasagawa rin ng mga workshop sa mga prinsipyo at kasangkapan ng conflict sensitive and peace promoting (CSPP) communities, bukod sa iba pa.
