National News
PDEA leaks at Batangas drug haul, tatalakayin sa Senado
Tiniyak ni Senador Bato Dela Rosa na tuloy ang imbestigasyon ng Senado kaugnay sa kontrobersyal na PDEA leaks at ang iniulat na drug haul sa Batangas.
Ani Bato, araw ng Martes, ika-30 ng Abril, ay gugulong ang motu proprio investigation ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na kanyang pinamumunuan.
Dito aniya ay tutuldukan na ang mga haka-haka kaugnay sa umano’y leakage ng confidential information mula sa Philippine Drug information agency (PDEA) at maging ang drug haul sa Alitagtag, Batangas na umani ng batikos at ibat ibang reaksyon sa social media.
“Mahalaga ito kasi kailangan nating ma stabling ang katotohan. Mahirap ang may haka haka at hindi talaga na establish ang katotohanan. Thru this investigation malalaman natin ang totoo,” ayon kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa.
Kontrobersyal ang 2 issue dahil inuugnay ito kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa PDEA leaks, kabilang umano ang Pangulong Marcos sa narco-list ng ahensiya na kinumpirma ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Pero ang PDEA, pinasinungalingan ang impormasyong ito.
Ang drug bust naman sa Alitagtag, Batangas ay pinangunahan ni PBBM ang pag-inspeksyon.
Tinawag ito na record breaking dahil sa dami ng nakumpiskang shabu ngunit kinuwestiyon ng iilan dahil sa posibilidad na ang eksena ay drama lang.
“Expect na lalabas ‘yung katotohanan, factual lang tayo. Kung talagang authentic ‘yung nag leak ng mga dokumento. We will find (ways) pwedeng gagain para ma avoid ‘yan in the future. Tapos ‘yung sa Batangas naman we need a clearer explanation para mawala ang haka-haka kung ano talaga ang totoong nangyari behind that drug haul,” dagdag pa ng senador.
Ang paglulunsad ng imbestigasyon ni Sen. Bato ay umani naman ng papuri mula kay dating Presidential Spokesperson Harry Roque.
Nais ng dating tagapagsalita ng Malakanyang na malaman kung peke nga ba ang mga tinatawag na PDEA leaks.
“Importante ang pagdinig na ‘yan at ako naman po ay nagpapasalamat kay Sen. Bato Dela Rosa dahil gagawin niyang forum ang Senado para malaman natin ang katotohanan. Titingnan po natin kung talagang AI ang gumawa ng printed document na ‘yan, pero sakin naman ano naman ang kinalaman ng AI sa isang printed document lamang,” pahayag naman ni Atty. Harry Roque
Ayon kay Senador Bato, bukas sa iba pang senador ang pagtalakay sa mga nasabing issue.
Ang imbestigasyon ay isasagawa bilang motu proprio o walang pormal na rekwest mula sa liderato ng Senado.
